Hindi mahirap paniwalaan ang statistics. Nitong nakaraang linggo, tatlong malagim na sakuna sa daan ang napabalita sa Southern Luzon pa lang. Involved sa tatlong insidente ang bus o truck na umo-overtake nang alanganin, tapos sinalpok ang jeepney o kotse o pedestrians. Dose-dosena ang patay at pilay, kabilang ang mga bata. Sa isa pang insidente, sa La Union, buong pamilya ang naubos nang salpukin ng bus ang hired jeepney nila. Ilan sa namatay, kasama uli mga bata, sa bubong nakaupo.
Sa makalumang isip, ang mga ganitong "insidente" ay "aksidente", kagagawan ng kapalaran o kagustuhan ng Diyos. Sa modernong pananaw, likha lahat ito ng kapabayaan: ng reckless drivers, ng nakakatanda, at ng gobyerno. May bus o truck drivers na dinadaan sa laki: umo-overtake sa kurbada o sa yellow line. Yung iba, likas na bobo: hindi alam kung ano ang dapat at bawal sa pagmamaneho, nanuhol lang para magka-lisensiya. May magulang at guro na hindi nagtuturo sa bata ng tamang paglakad o pagtawid sa kalye. May hindi nagpapayo na mag-seatbelt ang mga sakay. (Kung matino ang jeepney driver sa La Union, hindi sana niya pinayagan ang pagsakay sa bubong.) At hindi pinatutupad ng mga pulis at opisyales ang mga batas sa pagmamaneho, pasahero at pedestrians. (Dapat sinita ng pulis ang jeepney na may sakay sa bubong.)
Ang Pilipinas ay isa sa pinaka-malala sa Asia sa pag-enforce ng road safety. Sa China, nauuso pa lang ang kotse at vans. Ayon sa Safe Kids, 44% ng bata doon ay nae-expose sa road hazards o accidents papasok sa school, 60% sa pagtawid. Sa Pilipinas 70% ay napipilitan bumaba mula bangketa dahil sa ano-anong harang, at 52% ng daan ay ni walang sidewalks.