Upang higit na maunawaan natin ang kabuluhan ng araw na ito, ang Ikalawang Pagbasa sa Liturhiya ng Salita ang ating bibigyan ng diin at pagninilayan. Ito ay mula sa Unang Sulat ni Pedro (1Ped. 2:20-25).
"Maipagkakapuri kaya ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit pagpapalain kayo ng Diyos kung kayoy maparusahan sa paggawa ng mabuti. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Jesus ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. Nang siyay alipustain, hindi siya gumanti. Nang siyay pahirapan, hindi siya nagbanta. Nanalig siya sa Diyos na makatarungan. Sa kanyang pagkamatay sa krus, dinala niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayoy gumaling sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa."
Tunay nga, mayroon pa kayang hihigit sa pag-aalay ng sariling buhay para sa ikabubuti ng mga taong minamahal? Ganoon si Jesus; ganoon ang pagmamahal ng Ama sa atin. Inialay ng Ama ang kanyang Anak para sa atin. Inihandog ni Jesus ang kanyang buhay para sa atin. Sa halip na tayo ang maparusahan dahil sa ating mga kasalanan, inako niya ang lahat ng hirap, pati na kamatayan sa krus upang, tayong lahat ay magkaroon ng kaganapan ng buhay.
Bilang Mabuting Pastol, ayaw ni Jesus na mawala isa man sa kanyang mga alagang tupa. Ang katanungan para sa atin ay: Magpapaalaga ba naman tayo kay Jesus? Susunod ba tayo sa Mabuting Pastol at Tagapangalaga natin?