Pekeng unyon,pag-ingatan

HINDI lahat ng unyong manggagawa ay matino. Merong nagdadala ng sakit ng ulo sa mga kasapi. Ito ang sinasapit ng mga empleyado ng isang malaking ospital.

Mula nang itatag ang unyon nila nu’ng 1989, hindi na nagkaroon ng halalan ng bagong pamunuan. Labag ito sa Labor Code na nagtatalaga ng halalan hindi lalampas sa tuwing limang taon.

Ang opisyales nila ay nagka-cash advance sa management mula sa kokolektahing union dues. Ginagawa nila itong pabaon sa retirement at kung anu-anong pabuya sa sarili.

Maraming gastusin ang pamunuan na hindi maipaliwanag sa mga kasapi. Mula 2000, hindi na nag-submit ang opisyales sa labor department ng taunang financial statement and balance sheet.

Idinulog ng ilang kasapi ang problema sa pederasyong kinapitan ng unyon. Pero hindi sila pinansin. Nagdemanda sila sa labor department dahil sa nawawalang P2.8 milyon na pera ng unyon. Pinayuhan silang kunin ang isang makabayang dating senador bilang abogado, dahil hindi ito naniningil ng professional fees hangga’t hindi naipapanalo ang kaso.

Nag-utos ng audit ang arbiter. Inapela ito ng opisyales, pero natalo sila. Pero hindi maisagawa ang audit dahil ayaw magbigay ang opisyales ng financial papers.

Nag-schedule ang arbiter ng isang eleksiyon nu’ng Oktubre 2004. Pinaharang ito ng opisyales sa Court of Appeals, pero natalo sila. Tinuloy ang halalan, pero nagdaos ng hiwalay na eleksiyon ang opisyales. Nalilito tuloy ang kasapian kung ano sa dalawang resulta ang kikilalanin. Nag-utos ang labor department ng isa muling eleksiyon para magkalinawan na. Pero hanggang ngayon, ayaw sumunod ng opisyales.

Nag-uunyon ang mga empleyado para isulong ang karapatan at kabutihan nila. Pero maari itong palpakin ng tiwaling opisyales.
* * *
E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments