"Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay," sabi ni Jesus. "Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
"Ngunit sinasabi ko na sa inyo: Nakita na ninyo ako, gayunmay hindi kayo nananalig sa akin. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin. Sapagkat akoy bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: Huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: Ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. At silay muli kong bubuhayin sa huling araw."
Sa ating pagninilay sa mga salitang ito ni Jesus, sanay madama natin ang kasiguruhang kanyang ibinibigay sa atin, pagkat iyon ang kalooban ng Ama: Na ang lahat ng nananalig kay Jesus ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid, ang unang hinihingi sa atin ay pananalig. Pananalig na si Jesus ang sinugo ng Ama upang tayo ay iligtas. Pananalig na si Jesús ay ang pagkaing nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng pagkapit sa kanyang Salita; sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang Katawan at Dugo sa sakramento ng Eukaristiya.
Ikalawa, ang mga katagang ito ni Jesus ay nagbabadya sa atin ng pag-asa. Na may buhay na walang-hanggan; na kahit na ang ating katawang panlupa ay mamatay, ang ating espiritu ay di-kailanman mamamatay. At sa bandang huli, ang ating katawan at kaluluwa ay mabibigyan ng panibagong buhay gaya nang nakamit ni Jesus.
Ikatlo, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nangangahulugan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Kayat ang ating pagtugis at pagtataguyod ng katarungan, kapayapaan, kapatawaran ay mga konkretong paraan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Handa ba nating tanggapin ang Pagkaing nagbibigay-buhay?