Masama ang dating ng VAT sa taumbayan kaya kahit na anong gimik o pagpapaliwanag ng pamahalaan tungkol dito ay hindi makakuha ng simpatya. Ang nakatatak sa isipan ng mamamayan kapag nagpataw ng VAT, tataas ang bilihin. At totoo naman ito sapagkat saan kukunin ng manufacturer ang pondo sa kanilang produkto? Babawiin lamang nila ang kinaltas na VAT sa kanilang produkto. Itataas nila ang presyo ng kanilang paninda.
Lumabas din sa survey ng Pulse na matatanggap o malulunok lamang ng mga Pinoy ang VAT kung maipangangako ng gobyerno ang pagdurog sa corruption at kung mapuputol ang walang taros na paggastos ng mga opisyal sa maraming ahensiya ng pamahalaan. Kaya nilang lunukin ang mga iaatang na reporma ng gobyerno ukol sa buwis bastat ang mahalagay madurog ang mga corrupt at nang hindi na maghirap ang bansa.
Pero mahirap maisagawa ng pamahalaan ang pagdurog sa mga corrupt sapagkat walang political will ang namumuno. Lalo pang lumaganap ang corruption sa kasalukuyan at walang epektibong solusyon ang pamahalaan kung paano madudurog ang mga tiwali.
Durugin muna ang mga corrupt bago magpataw ng bagong buwis. Habulin ang mga tax evaders, pagbayarin at kasuhan. Kolektahin naman nang maayos ang mga hindi nasisingil na VAT ilang taon na ang nakalilipas. Hindi kailangang pahirapan ang mamamayan sa pagpapataw ng bagong buwis. Huwag ipataw sa kanilang balikat ang krus na hindi nila alam kung paano napunta sa nagsusugat nilang balikat.