Matatandaan na isinulat ko nung Biyernes ang reklamong inihain sa Department of Justice laban sa diumanoy pang-aapi sa kanila nitong si Atty. Padilla at ng kanyang mga tauhan sa Brgy. Maguirig.
Ayon sa mag-ama, sila daw at may mga isang daang (100) pamilya ay nagtatanim ng mga "fast crops" tulad ng mais, saging, gulay, pinya, sa humigit kumulang na 30 hektarya. Hindi daw nakayanan ng DENR na tamnan lahat ng puno at dahil sa kanilang pakiusap at ng kanilang mga ka-barangay, nabigyan sila ng pahintulot na magtanim sang ayon sa Community Based Forestation Management nung 1994.
Kalagitnaan nung 1998, pumasok diumano ang grupo ni Atty. Victor Padilla at pinabakuran ang kanilang tinatamnan at pilit silang pinapipirma ng isang kasulatan kung saan nagtatayo ng kooperatiba. Hindi daw pumirma ang karamihan ng mga taga Maguirig.
Ayon sa Sinumpaang Salaysay ni Rogelio Malana, biyudo, 63 yrs old na ibinigay sa Department of Justice, nang hindi magtagumpay si Atty. Padilla na mapapirma ang karamihan sa mga nagtatanim sa Maguirig, isa-isa na naman nitong binisita sa kanilang mga tirahan, kasama ang mga ilang armadong kalalakihan na dayo, para sabihing siya ang totoong nagmamay-ari ng buong kabayanan ng Maguirig, Solana, Cagayan, at binawalan na niya silang magpatuloy ng pagtatanim;
"Sa pagpapatuloy ng aming pagtatanim, may mga dalawang beses na naman kaming binisita ng mga armadong tao ni Padilla, at tinakot kami na huwag nang ituloy ang aming pagtatanim para maiwasan ang gulo. Mula noon ay iniiwasan na ng aking pamilya na magtanim sa mga lugar na may parating nakatanod na tauhan ni Padilla," pagtatapat ng matandang Malana.
Isang araw ng Mayo ng 2000, sila daw ay binisita ng caretaker ni Atty. Padilla na si Mario Pagulayan kasama ang isang armadong tao na nagpakilalang pulis at inimbita si Malana na magtungo daw sa presinto at dahil daw may kasamang pulis si Pagulayan, napilitang siyang sumama.
"Nabigla na lamang ako ng dalhin ako sa loob ng dating opisina ng DENR na naging tirahan na ng mga tauhan ni Atty. Padilla. Doon ay hinandaan nila ako ng mga mamahaling alak at kakanin at doon ko din nalaman na hindi pala pulis ang sumundo sa aking kasama ni Pagulayan. Hinindian ko ang kanilang alok na kumain at uminom," sabi ni Malana.
Nakalipas ang ilang sandali, ayon kay Malana pinipilit daw siya ni Atty. Padilla na pumirma sa isang dokumentong hindi daw niya alam ang nilalaman dahil hindi naman siya nakatuntong ng high school.
"Habang ako ay pinipilit nya, tinatakot naman ako ng mga tauhan niya na mayat maya ay pinapakita ang kanilang mga baril sa kanilang baywang.
Nang ako ay kinapos na nang lakas, sumigaw na lang ako na bahala na sila kung anung gustong nilang gawin sa akin dahil hindi nila ako mapapapirma sa anumang kasulatan,"
"Pagkatapos noon, inutusan ni Padilla ang mga tao niya na bitiwan na lang ako at barilin na lang ako sa paa habang ako ay palabas ng gusali dahil may ninakaw daw ako sa loob," mariing sinabi ni Malana.
Hindi nagpaawat si Rogelio Malana. Lumabas siya sa bakuran at umuwi sa kanila.
"Noong mga huling araw ng buwan ng Oktubre 2000, ako at ang aking mga anak na si Jessie Malana ay dinampot ng mga alagad ng batas sa kadahilanang may na-issue na warrant of arrest laban sa amin, Nalaman ko na lang noon na kami ay kinasuhan ng isang tauhan ni Atty. Padilla, na si Mario Pagulayan, na nalalahad na salang pagpuputol at pagnanakaw ng mga ilang puno sa Maguirig na pag-aari daw ni Atty. Padilla," isang akusasayon na itinanggi ni Malana.
Ngunit sa likod ng kanilang pagtatanggi na hindi nila ginawa ang pagputol ng kahoy napiit daw sila sa bilangguan ng isang buwan at nakalabas lamang ng ang kanilang pamilya ay gumawa ng paraan para sila ay makapag piyansa.
"Habang kami ay nasa piitan, mga tatlong beses kaming binisita ni Mario Pagulayan (tauhan ni Padilla) upang kumbinsihin kaming pumirma na kasulatang ginawa ni Atty. Padilla para kami raw ay makalaya na. Hinindian namin ang kanyang mga alok, at minabuti na lang naming maghintay at makiusap sa mga aming kaibigan at ibinenta ang isa naming lupa para makapag piyansa nung December, 2000 dahil ayaw naman naming magpasko sa bilangguan," sabi ni Malana.
Sa kanya namang Complaint-Affidavit, sinabi ni Jose Malana o Jessie na nung araw na inimbitahan ang kanyang ama sa gusali ng Atty. Padilla, nung magdidilim na nagpumilit na raw ang kanyang ama na ibalik na raw siya sa kanila. Sa halip na gawin yun, hinawakan daw ito ng dalawang armadong lalaki na kilalang mga tauhan ni Padilla at ayaw palabasin sa nasabing gusali.
"Sabi ni Tatay na kahit na siya raw ay patayin na dun, hindi bale na lang wag lamang pumirma sa gusto ni Padilla. Kaya pilit siyang lumabas at umuwi sa amin, kahit natatakot siyang barilin ng mga tauhan ni Padilla," sabi ni Jessie.
Ang kanilang reklamo laban kay Atty. Padilla ay ngayon nasa Department of Justice at nasa opisina ni Asst. State Prosecutor Anthony Fadullon. Ito ay docketed na I.S. No 2005-252 para sa mga kasong KIDNAPPING, SERIOUS ILLEGAL DETENTION, GRAVE THREATS, COERCION, INCRIMINATING INNOCENT PERSONS laban kay Atty Victor I. Padilla at kasong PERJURY naman laban sa katiwala nitong si Mario Pagulayan.
Matapos nilang magsampa ng kaso laban kay Atty. Padilla at sa kanyang katiwala, ang kanilang pamilya ay bumaba sa Manila kasama ang kanilang mga asawa at anak dahil na rin sa takot nila para sa kanilang buhay.
"Nananawagan po kaming muli kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, sa aming kababayang si Senator Juan Ponce-Enrile at sa kanyang anak na si Congressman Jack Enrile na tulungan naman kami na makamit ang hustisya.
Sana naman ay resolbahin itong problema namin sa lupa na kinakamkam nitong si Padilla. Sa gobierno ang lupang ito. Binigyan kami ng karapatan na tamnan ito at pangalagaan ang mga puno na nandito sa kabundukan ng Maguirig, Solana, Cagayan," sabi ni Jessie.
PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 77882442.