Matapos panghimasukan ng BITAG at Bahala si Tulfo ang imbestigasyon sa kaso ng natustang sanggol sa loob ng naka-lock na nursery room ng Bataan General Hospital agad naming nakita ang problema.
Lumalabas na kakulangan sa kaukulang pondo ang nagtulak sa pamunuan ng Bataan General Hospital upang mag-improvise na lamang ng ilang mahahalagang gamit sa kanilang ospital.
Ang problema, dapat ay dumaan muna sa pagsusuri ng mga eksperto ang kanilang mga improvised na kagamitan bago ito gamitin sa mga pasyente.
Pero dahil nga sa hindi nga sila naaambunan ng pondo, hindi nila kayang kumuha pa ng eksperto para gawin ito.
Imbes na magmatigas at tumanggi, agad umamin si Dir. Ponce ng Bataan General Hospital sa kanilang pagkakamali. Inako rin ng kanilang ospital ang lahat ng gastusin ng pamilya ng sanggol na natusta.
Walang ibang hiniling ang magulang ng sanggol na biktima kundi baguhin ng Bataan General Hospital ang kanilang sistema. Nangako rin naman ang kanilang pamunuan na agad ipapatupad ang pagbabago.
Nakatakdang bumalik sa Bataan General Hospital ang BITAG at Bahala si Tulfo kasama ang magulang ng sanggol sa isang buwan upang magsagawa ng inspeksyon.
Inaasahan naming sa kabila ng kakulangan sa pondo ay maisagawa ng pamunuan ng Bataan General Hospital ang pagbabagong kinakailangan upang maiwasan ang mga aksidente tulad ng sinapit ng sanggol na natusta sa nursery room.