Si Papa Juan Pablo II -2

Ngayong araw na ito, inaasahang ililibing na si Papa Juan Pablo II (JPII). Daan-daang libo katao na ang sumulyap sa kanyang nakaratay na katawan. Ngunit tiyak na sa pagsulyap nila kay Papa JPII, sa personal man o sa pamamagitan ng telebisyon, ang mga masasayang alaala tungkol kay JPII ang sumasaisip ng mga tao. Nandiyan ang kanyang pagkalong sa mga bata, pagtapik sa pisngi ng isang maysakit, pagbabasbas sa mga tao, pagyakap at paghalik sa isang kabataan. Sumasadiwa rin ang larawan ng kanyang mataimtim na pagdarasal, pagbibigay ng mga makabuluhang talumpati tungkol sa iba’t ibang paksa o isyu na magbibigay-linaw sa paninindigan ng Simbahan, ang pagputong niya ng sombrero sa isang obispo na ginawa niyang Cardinal, at iba pa.

Ang mga ito’y larawan ng kanyang personal na pagmamalasakit at pagkalinga sa bawat tao — ang tao na siyang dahilan upang ang Anak ng Diyos ay maging tao ring tulad natin.

Sa kanyang sariling katauhan, buhay, pagkapari at pagka-Papa, binigyang-saksi ni Papa Juan Pablo II ang kahalagahang ito ng tao – mahirap man o mayaman, bata o matanda, nasa sinapupunan man o nasa bingit ng kamatayan. Tunay ngang pinahalagahan ni Papa Juan Pablo II ang tao alinsunod sa pagpapahalaga ni Jesucristo sa bawat tao. At ultimo sa kanyang pagkaratay sa banig ng karamdaman hanggang sa kanyang pagyao, punung-puno ng dangal at karangalan ang ating Papa, ang Papa ng mundo.

Sa 26 taong panunungkulan niya bilang pastol ng mga mananampalataya sa buong mundo, ipinakita niya sa lahat ng tao, Kristiyano man o hindi, ang pagmamahal at pagmamalasakit ng isang tunay na kumakalinga sa kanyang kawan.

Hindi ka namin makakalimutan, Papa Juan Pablo II!

Show comments