Nakakainggit ang Paris, mayamang siyudad kaya puwedeng pag-abalahan ang kalinisan nang todo-todo. Ang Singapore, medyo mayaman din, pero sa inis ng gobyerno sa dinikit na chewing gum sa ilalim ng upuan sa sinehan, ipinagbawal ang paggawa at pagbenta ng gum parang droga.
Sa Pilipinas nagkalat ang basura sa daan. Dahil kulang sa street sweepers, iniisip ng madla na walang may-pakialam. Kaya naeengganyong lalong magtapon lang ng kalat ang pedestrians at motorists. Dahil mahina ang pagpapatupad ng batas kontra smoke emissions, nangingitim ang mga gusali, at nagkakasakit ang mga tao. Tinatayang P15 bilyon taon-taon ang nagagasta sa gamot pang-ubo at lung disease, at 400,000 ang namamatay dahil sa air pollution. Wala naman tayong perang panlinis. Ang kailangan natin ay disiplina, at makukuha ito sa edukasyon.
Naalala ko tuloy ang eksena sa isang exclusive girls school, kung saan ang mga 12-anyos ay natutong mag-lipstick. Ang masama pa kamo, pagka-apply ng lipstick, ugali nilang halikan ang salamin sa banyo, kaya dumudumi. Tinawag ng principal ang mga dalagita sa banyo, at sinabing hirap na hirap na ang janitress sa paglilinis. Sabi niya dito, "Ipakita mo nga sa kanila kung gaano kahirap tanggalin ang bakas ng lipstick sa mirror." Sumunod ang janitress. Kumuha ng brush, nilublob sa tubig-inidoro, at saka iniskoba sa salamin. Natahimik ang mga dalagita. Hindi na sila muli humalik sa salamin matapos ang eksenang yon. Na-eduka at nadisiplina.