Matindi ang preparasyong isinagawa sa pagdaraos ng IPU. Nilagyan ng bakod na kahoy ang portion ng South Expressway at saka kinabitan ng makulay na canvas para matakpan ang pangit na tanawin sa may riles kung saan ay makikita ang mga barungbarong. Hindi na makikita ng mga delegado ng IPU ang pangit na tanawin at ang masisilayan lamang ay ang makulay na canvas. Hinakot din naman ang mga pulubi, batang lansangan, vendors, at iba pang nakadidismaya at masakit sa matang sagabal sa malapit sa PICC. Nilinis at pinaganda para walang masabing pangit sa Pilipinas ang mga taga-ibang bansang delegado. Wow Philippines talaga!
Dalawang araw matapos simulan ang IPU, lumabas na ang tunay na kulay at nabahiran na ang nakitang linis, ganda na unang nakita. Dalawang IPU delegates ang nabiktima ng mga kawatan sa paligid na malapit lamang sa kanilang tinutuluyang hotel. Nasaan na ang mahigit na 10,000 pulis na sinasabi ni Velasco na mangangalaga sa seguridad? Nagningas-kugon na naman ba? Kakahiya!
Hinoldap ang Belgian national na si Georges Brion noong Martes dakong alas-singko ng madaling araw sa Pasay City. Sumakay ng tricycle si Brion at nagpahatid sa malapit na simbahan subalit dalawang lalaki ang humoldap sa kanya nang makababa sa tricycle. Natangay sa kanya ang P4,000 at $60, IDs at credit cards. Ang masakit pa, sinuntok pa siya nang manlaban sa dalawang holdaper. Pumutok ang kanyang noo dahil sa suntok. Si Brion ay deputy secretary general ng Belgian parliament at nakatira sa Westin Philippine Plaza.
Nawalan naman ng passport ang Brazilian na si Claudio Cajado Sampaio. Hindi maipaliwanag ng pulisya kung paano nawala ang passport ni Cajado.
Nasaan ang mga pulis na nangangalaga sa mga delegado ng IPU? Hindi kataka-taka kung matakot ang mga investors sa Pilipinas. Bukod sa maraming "buwaya" marami pa ring "kawatan sa kalsada". Kakahiya ang ganitong pangyayari na hindi mapangalagaan ng pulisya ang mga delegates. Nasaan na ba ang sinasabi nilang police visibility?