Ano ang kaugnayan ng dalawang pangyayari? Una, nang tanggapin ni Maria ang pahayag ng anghel at ibinigay ang kanyang buong sarili ayon sa kalooban ng Diyos, naging Tao ang Anak ng Diyos na si Jesus - isang napakadakilang pagpapahalaga at pagmamahal sa buong sangkatauhan. Ang pagkakatawang-tao ni Jesus, ganoon din ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay sa krus at pagkabuhay na muli ang nagpapatunay kung gaano kahalaga ang tao sa Diyos. At ang kahalagahang ito ng tao ang nakikita kong pinakabuod at saligan ng pagka-Papa ni Juan Pablo II.
Sa katunayan, ang kauna-unahang ensiklikal o "sulat" ng Papa sa mga mananampalataya ay pinamagatan niyang Redemptor Hominis (Ang Manunubos ng Sangkatauhan) na kung saan inilahad niya kung gaano kahalaga ang tao bilang kawangis at kalarawan ng Diyos, at sa gayon ay pinagbuhusan at pinaglaanan ni Jesus ng kanyang buong sarili at buhay upang ang tao nga ay matubos sa kanyang kasalanan at kasamaan at mapanumbalik sa yakap ng Ama bilang mga anak ng Diyos.