Mariin nilang tinutulan ang paglabag na ginawa ng mga Taiwanese na nahuling nagpaparami ng ipinagbabawal na Vannamei sa Zambales.
Ayon pa sa Tambuyog, hindi sapat ang pag-abort ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa research na kasalukuyang ginagawa sa ipinagbabawal na Vannamei.
Kung seryoso ang Department of Agriculture at BFAR sa salitang binitiwan nito sa BITAG, dapat daw ay tingnan nitong mabuti ang Fisheries Administrative Order 207.
Hindi sapat ang pagpapatigil ng research at pagsunog sa mga natitirang Vannamei sa kanilang hatchery sa Dagupan dahil maaaring kumalat na ang ipinagbabawal na hipon na ito sa iba pang probinsya.
Dapat daw ay isama sa FAO 207 ang pagbabawal maging ng pagbebenta ng Vannamei.
Ngunit marami rin ang maaaring maapektuhan kung tuluyang ipagbabawal ang Vannamei sa bansa. Isa na rito ang malaking industriya ng feeds.
Ayon kay Agriculture Sec. Yap, legal naman ang pag-e-export ng Vannamei sa ibang bansa. Bilyong dolyar ang kinikita ng ilang mga bansa tulad ng China sa pag-aalaga ng hipong ito.
Kung nagagawa ito sa ibang bansa, bakit hindi natin magawa dito sa Pilipinas? Tanong ni Sec. Yap.
Simple lang ang solusyon ayon sa Tambuyog. Kung may research na ginagawa tungkol sa Vannamei, dapat maging bukas ang kinauukulan sa iba pang mga grupong may kinalaman dito.
Kabilang ang media, research group mula sa state university, mga representatives ng feeds company, at ilang mga komunidad na maaaring makinabang sa proyektong ito, sa mga grupong dapat ay kabilang sa research na gagawin.
Transparency ang dapat na ipairal ayon sa Tambuyog. Pero sa sistemang nakita ng BITAG, malalim na pulitika ang nasa likod ng industriyang ito.
Imbes na ihayag sa publiko, tila itinatago pa at palihim ang ginawang research ng BFAR sa Vannamei. Tila yata may itinatago.
Habang hindi nabubuksan ang isipan ng mga kinauukulan sa tamang prosesong dapat pagdaanan ng mapamuksang Vannamei, mananatili itong ipinagbabawal sa ating bansa.