Ang nangyayari sa media ay bahagi lamang ng nagaganap sa lipunan. Tatlong supporter ng welga sa Hacienda Luisita na ang pinatay sa loob ng dalawang buwan: Isang pari ng Phil. Independent Church, isang konsehal ng Tarlac City, at isang aktibista. Tila hindi nababahala ang publiko na malamang na may death squad na umiikot sa Tarlac para ubusin ang mga militante. Tiyak ng hindi lahat ay sang-ayon sa welga, lalo na nang sinuportahan ito ng New Peoples Army. Pero hindi rin naman tama na sangayunan ang pagpatay sa kanila. Lahat ay may karapatan maglahad ng hinaing at mabuhay. Ika nga ng pilosopong Voltaire, "Hindi man ako sang-ayon sa sinasabi mo, ipagtatanggol ko ang karapatan mong sabihin yon."
Sa kabila ng pagkitil sa newsmen at strike supporters, tila manhid din ang gobyerno. Walang aktibong programa para lutasin ang mga krimen at tugisin ang mga salarin. Maaring sabihing hindi related ang mga patayan sa media, dahil iba-ibang lugar sila naganap at iba-iba ang mga ine-expose ng tiwaling opisyal. Pero tiyak na related ang tatlong patayan sa Tarlac City. Pero tinatrato ito ng pulis na parang ordinaryong pangyayari. Parang sunod-sunod na cell phone snatching lang ang turing.
Kung cell phone snatching hindi malutas, patayan pa kaya?