Alam ba ni Mrs Toh ?

MAINIT na usapan ngayon kung sino ang personalidad na galing sa Pilipinas na iba talaga ang trip at kuwartong mahigit P1 milyong piso kada araw pa ang tinuluyan ng tumungo sa Las Vegas para mapanood ang laban ng ating kampeon na si Manny Pacquiao.

Nilantad ito ni Recah Trinidad, dati kong naging editor at kilala sa industriya ng media bilang isang responsableng columnist at sports writer.

Sa kanyang column hindi niya tinukoy kung sino ito maliban sa mas matindi ito kay Manila Mayor Lito Atienza. Hindi rin daw ito miyembro ng Kongreso at lalong hindi si Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.

So sino nga ito, ayaw ni idol Recah na banggitin ang pangalan at ganoon din si Minority Floor leader Francis Escudero bagama’t humihingi siya ng imbestigasyon para matukoy kung sino ang napakasuwerteng nilalang na ito.

Hulaan blues ang buong bayan kaso kill joy talaga itong "super galing" na abogado ni Sir Senor Don JOSE Miguel Arroyo na si Attorney at Law Jesus Santos dahil biglang nagsalita noong Martes at todo deny na kliyente niya raw ang tinutukoy.

He-he-he!!! Attorney, sino ba may sabing si Sir Señor Don JOSE Miguel Arroyo ang "napakapalad" na taong iyon. Sabagay saan ba nahuhuli ang isda, sa bibig hindi ba? Tsaka sabi nga ng mga matatanda, batu-bato sa langit tamaan huwag magalit. Ha-ha-ha!!!

Anyway, todo deny si abogadong, napakagaling daw, pero ayaw sabihin kung saang hotel, at aling kuwarto ang tinuluyan ni Sir Señor Don JOSE Miguel Arroyo at kung magkano ang halaga ng kuwarto.

Tanungin daw ang MGM, oops, meron kayang tinatago at ayaw na naman sumagot. Sabagay, mahirap mamilit. baka ma-invoke ang right to privacy at right against self-incrimination at right to remain silent at iba pang right. Sana nga lang puro right o kanan at wala ng left o kaliwa dahil baka matanong pa namin ang paboritong tanong ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson na "alam ba ni Mrs. Toh?" Isang tanong na hindi na right o kanan kung hindi left o kaliwa na. He-he-he!!!

Pero ano ba talagang itsura nitong mahigit P1 milyong kuwarto na ito diyan sa MGM at bakit napakamahal. Ginto ba ang mga gripo niya at alak ba ang lumalabas dito? O baka naman ang door knob niya ay may nakatadtad na diamond at silver ang mga kurtina?

Lubos akong nagtataka kaya nagtanung- tanong. Ilang kaibigan ang aking kinulit at sa huli ay may nahagilap akong isa na nagkuwento tungkol sa nasabing kuwarto, este bahay pala.

Napasok niya raw ito nang minsang maimbita siya riyan ng isang bilyonaryong negosyante na high roller o VIP sa mga casino kahit saang parte ng mundo.

Hindi raw ito kuwarto kung hindi bahay talaga pero nasa loob pa rin ng compound ng hotel. Sa naturang hotel makakakita ka ng mga buhay na leon habang pinakakain ay merong mahigit 5,000 kuwarto at nagkakalahaga ng $1 bilyong dolyar. Inuulit ko $1 billion o katumbas ng P55 billion.

Ang naturang bahay ay tinatawag na MGM Grand Villa 1 ay nakakalula pagpasok mo palang ng gate, take note, gate at hindi door. Pagpasok mo ay may foyer kung saan kita mo na mahal ang mga gamit, kasama na ang painting na collector’s item.

Mula roon, pasok ka sa sala o living room na kita mo ang super mahal na mga furniture na talaga namang primera klase. Katabi ito ng dining room na ubod din ng mahal ang dining table at silya, pati na ang mga kutsilyo, tinidor, baso at iba pang bagay na talagang mga krystal o silverware. Baka raw ginto pa ang iba.

Meron ding hardin sa loob ng naturang bahay at may swimming pool pero hintayin n’yo ang kuwarto. Akala mo ay walang laman bukod sa kama, pero parang magic at bagay sa mga may MAHIWAGANG BAG dahil pindot lang lalabas ang TV, sounds, DVD, MP3 at kung anu-ano pang luho. Ang CRMP siyempre, bath tub na puwede nang mag- swimming ang bata at ultimo sabon sa kamay ay nagkakalahalaga ng libong piso.

Wow, hindi nga lang WOW Philippines!!! Ang laki pa nito, mahigit isang libong square meter. Kaya pala $20,000 o mahigit P1 milyon.

Nakatuloy na kaya si Mrs. DiTOH? Tatanong lang po.

Pero puwera biro at kantyaw, seryoso tayo na walang konsiyensya ang ginawang pagtira rito ng kung sinumang Pinoy na ito. Hindi niya ba alam na hirap na hirap na ang sambayanan sa patuloy na pagtaas ng gasolina, kuryente, tubig, bigas, pamasahe at iba pa?

Humihirit pa si Madam Senyora Donya Gloria na taasan ang VAT na siyang magdaragdag pa sa pahirap ng mga Pinoy. Ni wala na ngang masilungan ang marami nating kababayan, walang makain tapos titira pa sa ganoon kaluhong lugar at karangyang pamumuhay.

Kahit libre, kahit complimentary, hiya na lang po at konsiyensiya sana at konting konsiderasyon man lang po. O baka naman manhid na at wala nang pakialaman.
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o di kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa MATA NG AGILA sa DZEC 1062 mula 6:15 hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

Show comments