Sumapit at lumipas ang Holy Week nang walang naging kaibahan sa iba nating mga kababayan. Tuluy-tuloy ang pagtatrabaho at karaniwang mga gawain na para bagang ordinaryong mga araw lamang. Ang karamihan sa ating mga kababayan ay ginawang bakasyon grande ang buong linggo, mula Lunes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay sa pagliliwaliw at pagsasaya na hindi man lamang nag-ukol ng mga sandali upang pagnilay-nilayin ang mga pag-sasakripisyo ng Panginoong Jesus.
Noong araw bago pa pumasok ang Holy Week ay nagsisimula nang magsakripisyo ang mga tao. Iniiwasan na ang mga pagsasaya lalo na sa pagsapit ng Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria na pawang katahimikan pa ang pinananaig sa lahat ng tahanan at buong sambayanan. Bawal mag-ingay.
Subalit sa nagdaang Holy Week, parang walang anumang kasagraduhan ng mga araw na ito. Dumating at lumipas ang Semana Santa ay hindi halos nagbago ang takbo ng buhay. Patuloy pa ring maingay, magulo at kanya-kanya. Kahit na Biyernes Santo ay may palabas pa rin sa TV at mahaharot pa ang mga programa.
Ganoon pa man, may natutuhan ako sa katatapos na Holy Week. Katulad halimbawa ng bakit Mahal na Araw ang Filipino translation sa Holy Week. Bakit Sabado de Gloria ang tawag samantalang patay pa naman ang Diyos sa araw na ito? Mas tama nga ang tawag na Black Saturday. Bakit ang simbolo ng Happy Easter ay rabbit at itlog?
Tingnan natin sa isang taon kung ano na naman ang mga pagbabago. Kahit na ano ang mangyari, sana naman ay huwag nating kalilimutang suklian ng pagmamahal at pagpapasalamat ang ginawang paghihirap ni Panginoong Jesus sa krus.