1 henerasyon ng pagkabigo

APATNAPUNG taon ang sukat ng isang henerasyon. Kung lilinangin ang census ng National Statistics Office nu’ng 1960 at 2000–isang henerasyon–makikitang dumaan ang bansa sa 40 taon ng pagkabigo.

Bakit? Nu’ng 1960-2000, 80 ulit tumaas ang median family income, mula P1,105 hanggang P88,782 isang taon. Pero kinuha ng kalahating mas mataas ng mga pamilya ang 82.4% ng kayamanang-bansa nu’ng 1960, at 82.2% pa rin nu’ng 2000. Pinaghatian ng mas mababang kalahati ng mga pamilya ang 17.6% ng yaman nu’ng 1960, at nabuhay sa 17.8% nu’ng 2000.

Oo, 40 taon ng pagkabigo. Kung hihimayin, ang kinikita ng pinaka-mataas ng 20% ng mga pamilya ay 12 ulit ng kinikita ng pinaka-mababang 20%. Nakahanay tayo sa mga bansang Asya na pinaka-malala ang inequality: Malaysia, 14 ulit; Thailand, 11.6; at Hong Kong, 9.5. Pero ang hirap, lumaki ang GNP natin ng 11 ulit lang nu’ng 1960-2000, samantalang ang sa Malaysia ay 39 ulit, sa Thailand ay 48, at sa Hong Kong ay 172.

Totoo, 40 taon ng pagkabigo. Kung nu’ng buong 2000 kumita ang isang pamilya ng P830,000, kabilang na sila sa 1% pinaka-mayaman sa bansa. Ang kinita ng 1% ito (150,000 pamilya lang) ay katumbas ng sa 38% ng pinaka-mahirap (5.8 milyong pamilya). Malaki ang agwat ng kita sa 5% pinaka-mataas na pamilya, pero dikit-dikit lang sa gitnang 65% sa atin.

Masakit, 40 taon ng pagkabigo. Ang Pilipinas ay parang puno ng mayamang uri sa isla ng middle class sa dagat ng mahihirap. Gan’un na nu’ng 1960 nang 27 milyon pa lang ang populasyon sa 4.4 milyon pamilya. Gan’un pa rin nu’ng 2000 nang lumaki ang populasyon sa 76.5 milyon (2.8 ulit) sa 15.3 milyon pamilya (3.5 ulit).

Saan pa natin makikita ang 40 taon ng pagkabigo? Mga gubat natin, kalbo na; mga pangisdaan, laspag; mga ilog at lawa, marumi. Lumulubog ang kalidad ng edukasyon. Ang mga bata sa pinaka-mahihirap na pamilya ay kulang sa tibang at ang matatanda ay sakitin at patpatin. Nagdadala lang sa ekonomiya natin ngayon ay ang 7.5 milyon overseas workers na naguuwi taon-taon ng $9 bilyon, pero wala tayong masiglang industriya.

Show comments