Ako, kahit na hindi eksperto sa larong boksing ay marunong umintindi kung sino ang nakalalamang at kung sino ang dehado. Sa laban nina Manny at Morales, dikit ang labanan ng dalawa. May rounds na nakalamang si Manny at ganoon din si Morales. Mabilis magbitiw ng suntok si Manny samantalang si Morales ay kalkulado at aral ang mga suntok.
Talagang nanalo si Morales. Ibang-iba ang mga suntok at kilos ni Manny sa labang ito kung ikukumpara sa mga laban niya kay Marquez at kay Barrera. Walang kalatuy-latoy ang mga naunang rounds ni Manny kay Morales.
Dahil walang maliwanag na basehan, mahirap maiparatang na sinadya ni Morales na uluhin si Manny na ikinaputok ng kanyang kilay. Sa tingin ko, aksidente ito. Malimit nangyayari ang headbutt sa boksing.
Itigil na ang usapan para idepensa ang pagkatalo ni Manny. Tutal naman tinanggap na ni Manny ang pagkatalo. Totoo, masakit ang matalo ngunit talagang ganito sa laro, may nananalo at natatalo. Naniniwala ako na patuloy na aani ng tagumpay si Manny at magbibigay pa ng karangalan sa bansa.