NUNG termino ni Pope Clement II (1730-1740) inasam ni Sister Mary Magdalene, ng Order of Santa Clara, mabatid ang paghihirap ni Hesus sa kamay ng mga bumihag sa Kanya nung gabi ng Huwebes hanggang umaga ng Biyernes. Sa dasal pinabatid ni Hesus kay Sis. Mary ang "15 Lihim na Pagmamalupit" sa Kanya:
"Tinuring nila Ako na pinaka-mababang hayop sa mundo, kaya: (1) Ginapos Ako at kinaladkad sa hagdang bato pababa sa nakakaduwal na pusali; (2) Hinubaran Ako at pinagsisipit ng matutulis na bakal; (3) Tinalian Ako nang mahigpit sa dibdib at isinalya sa pader; (4) Isinabit Ako mula sa kisame para lumagapak sa lupa. Sa pahirap na ito napaluha Ako ng dugo; (5) Itinali Ako sa poste at pinagtutuklap ng sibat ang Aking balat;
(6) Pinagpapalo Ako ng bato at pinaso ng nagbabagang uling; (7) Pinatayo nila Ako sa umaasong bakal na kalasag; (8) Pinutungan Ako ng koronang tinik at piniringan ng pinaka-maruming tela; (9) Isinalampak Ako sa upuan na puno ng nakausling pako na bumaon sa Aking hita; (10) Pinatuluan ang mga sugat Ko ng pinakulong tingga at alkitran, at iniupo Ako muli sa mga pako, kaya lalo itong bumaon sa Aking laman;
(11) Bilang pagmamaliit pinagkakarayom nila ang namamaga Kong balat na pinagsasabunutan ng balbas; (12) Itinali Akong mahigpit sa krus hanggang hindi na Ako makahinga; (13) Pinagtatapakan Ako sa ulo nang malugmok sa lupa; (14) Isa sa kanila ay pumilas ng tinik mula sa korona at itinurok sa Aking dila, tapos sinalaksak sa bibig Ko ang dumi ng hayop; at (15) Iginapos ang kamay Ko sa likod at, habang binabambo, kinaladkad Ako palabas ng piitan."
Pinasya ni Pope Clement II na ipaalam ang 15 lihim na kalupitang sinapit ni Hesus para lang tubusin ang mundo mula sa kasalanan. Ilan dito ay nilahad na sa pelikula. Sa pagkabatid nito, maraming nagbabalik-loob sa Diyos sa pagkabatid ng pagmamahal Niya sa atin.