Napag-alaman ko na mula 1995 pa pala nagtuturo ng computer subject si Flores sa P. Burgos. Nakapag-organize ng 10 classes kayat marami sa mga estudyante ay computer literate. Para sa mga graduating students, ang subject ay tinatawag na basic computer education samantalang ang subject naman na computer aided education ay itinuturo ni Flores sa Grade 1 to 6 pupils. May 34 computers sa ilalim ng pangangalaga ni Flores na nai-donate nina Alfredo Velayo at Washington Sycip ng sikat na Sycip, Gorres and Velayo (SGV) accounting firm na mga graduate ng naturang eskuwelahan, dating Manila Mayor at ngayon Sen. Alfredo Lim, dating Sen. Ernesto Maceda, Rep. Rudy Bacani, dating Rep. Don Don Bagatsing at isang educational firm. Luha at pawis ang ipinuhunan ng mga dating principal ng P. Burgos para mahikayat sina Sycip, Velayo, Lim, Maceda, Bagatsing at Bacani para mag-donate ng computers sa eskuwelahan pero nauwi lang lahat sa wala dahil sa benggador na si Agbayani, di ba mga suki? May konsensiya pa kaya si Agbayani at alipores niyang si Mennie Nakpil? Eh kung sa mga anak nila o kamag-anak gagawin yang panggigipit nila, hindi kaya sila magagalit? Saan ang mga puso nyo, Dr. Agbayani at Mrs. Nakpil Mam?
Hindi lang ang computer classes ang nabuwag kundi maging ang tinatawag sa eskuwela na amphitheater na nai-donate naman ng Philips electronics. Ang media resources room ay may isang 31 inches na TV, CD player at component. Dati-rati ginagamit ang mga ito ni Flores sa hi-tech education ng mga estudyante para hindi na magulat sila sa makabagong sistema sa ngayon ng mundo. May dalawang structured air-con ang kuwarto kayat malamig ito. Sa ngayon, ang gamit na lang ng kuwarto ay tuwing may meeting si Agbayani at kanyang mga alipores.
Dumating din sa kaalaman ko na nagsagawa sa ngayon ng signature campaign ang kampo nina Agbayani at Nakpil para pasinungalingan ang mga isinulat ko. Siyempre kung ang principal mismo ang nagpapapirma hindi ka susunod? Pero bigyan natin ng puwang ang kasagutan nila at siguraduhin nilang walang butas ito. Teka nga pala, bakit matagal kumilos si Education Secretary Florencio Abad dito sa sigalot sa P. Burgos?
Pulitiko kasi si Abad kayat nagbubulag-bulagan at nagbingi-bingihan siya sa problema ng eskuwelahan na maaaring lumala pa sa darating na mga araw. Abangan!