Hindi lang yon. Bini-VIP treatment si Garcia. Ang Oakwood coup leaders, nakakulong sa ISAFP Detention Center. Ikakarsel din sana si Garcia doon habang binibista, pero nagbanta siya na ikakanta ang mga kasabwat sa kurakot. Kaya ibinahay siya sa isang air-con apartment sa ISAFP compound, may mamahaling home-entertainment system.
Ilang araw matapos magdesisyon na ibahay si Gar-cia sa ISAFP, in-appoint ang isang dating staff niya sa J-6 (Office of the Deputy Chief of Staff for Comptrollership) bilang ISAFP chief. Buti na lang, binunyag ito sa pahayagan, at binara ang promotion sa Commission on Appointments. Pero natuloy pa rin ang VIP alalay kay Garcia nang ipalit sa ISAFP camp commander ang isa pang dating J-6 staff. At hangga ngayon ayaw payagan ni AFP chief Gen. Efren Abu na mag-inspection sina de Vera at observer-lawyers upang beripikahin ang VIP treatment.
Binuwag nga ni Abu ang J-6 sa araw mismo ng pag-upo, at ipinalit ang apat na opisina: Comptroller, Internal Audit, Resource Management, at Accounting. Pero ang head ng accounting office ay ang dati ring AFP chief accountant sa ilalim nina Garcia at naunang comptroller, retired Lt. Gen. Jacinto Ligot. Ang accountant na ito ay iniimbestigahan ngayon ng Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa mga katiwalian ng dalawa.
Hindi ito paratang na may pakana si Abu sa VIP treatment. Walong buwan lang siya manunungkulan; sa palagay koy nais niyang mag-iwan ng magandang pangalan. Nais lang niya irespeto ang ranggong heneral. At hindi niya puwede basta sibakin ang chief accountant, isang civilian employee na may security of tenure sa ilalim ng Civil Service Code. Sa pagbuwag ng J-6, winasak agad ni Abu ang sistema ng kutsabahan.