Di makatwirang pagkansela sa kontrata

KINONTRATA ng MHVA Homeowners Association ang ASSA security agency upang bantayan ang kanilang lugar. Ang kontrata ay mula May 25, 1994 hanggang May 25, 1995. Nakasaad sa paragraph five na may karapatan ang ASSA na tapusin ang kontrata kundi makababayad ang MHVA ng buwanang bayad sa serbisyo. Nakasaad din rito na pagkaraan ng tatlong buwan kasiya-siyang serbisyo maaaring magkasundo ang mga partido upang ituloy ang kontrata ng higit sa isang taon.

Noong Agosto, 1994 tinapos na ng MHVA ang kontrata dahil hindi raw mahusay ang serbisyo ng mga guwardiya at sila’y nawalan na ng tiwala sa mga ito sanhi ng mga sulat reklamo ng mga residente na hindi naman kinilala o inalam ang katotohanan ng mga nilalaman. Binase ng asosasyon ang kanilang ginawa sa paragraph five na ang ibig sabihin daw ay puwede nilang tapusin ang kontrata kundi sila nasiyahan sa serbisyo ng mga guwardiya. Bukod dito, kung may karapatan daw ang ASSA na tapusin ang kontrata pag hindi sila nabayaran, may karapatan din silang tapusin ang kontrata kung di maganda ang serbisyo ng ASSA. Tama ba sila?

MALI.
Kalabisan lang ang nabanggit na paragraph FIVE. Kahit wala nito maari namang magkasundo ang mga partido sa panibagong kontrata pagkatapos ng takdang panahon. Bukod dito, ang nasabing paragraph ay tungkol sa ekstensyon ng tinakdang panahon ng kontrata at di sa pagtapos ng kontrata bago pa dumating ang takdang panahon. Wala naman sa nasabing paragraph na maaring tapusin ng MHVA ang kontrata ng mas maaga dahil sa kasiya-siyang serbisyo.

Sa totoo lang, maaari naman talagang tapusin ng MHVA ang kontrata kahit anong panahon kundi sila nasisiyahan sa serbisyo o iba pang makatwirang dahilan. Dito sa kaso, ang dahilan ng MHVA ay di naman malinaw na napatunayan. Ang batayan nila ay mga sulat lamang na ang mga nagpadala ay hindi man lang iprinisinta upang patotohanan ang mga nilalaman nito. Ang pagkansela ng kontrata ay dapat may sapat na makatwirang dahilan na napatunayan (Multinational Village et., vs. Ara Security et. al. G.R. No. 154852, October 21, 2004.)

Show comments