Nauwi sa isang malagim na trahedya ang datiy masayang pagre-recess. Huling recess na pala nila iyon. Alas-diyes nang mag-recess ang mga bata at mga kakaning gawa sa balinghoy ang kanilang binili. Umanoy maruya at pitsi-pitsi ang mga kakaning binili ng mga estudyante. Dalawang vendors umano ang binilhan ng mga kakanin.
Makalipas ang isang oras, nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa magsuka ang mga estudyante. Ang kasunod ay nakapangingilabot sapagkat namatay na ang karamihan. Hindi na umabot sa ospital. Ang kamoteng kahoy ang itinuturong nakalason. Umanoy may taglay itong cyanide. Pero sa pagsusuring ginawa sa mga kamoteng kahoy, mababa naman ang content ng cyanide. Insecticide poisoning ang isa sa anggulong tinitingnan ngayon ng awtoridad.
Karaniwan nang makikita ang maraming vendors sa paligid ng mga pampublikong eskuwelahan hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa probinsiya. Nakaabang sila sa gate ng eskuwelahan. Kung anu-ano ang kanilang itinitinda na karaniwan ay pagkaing pangmeryenda. Dinudumog sila ng mga estudyante sa oras ng recess.
Sa pagkalason ng mga estudyante, isang kautusan nga ang pinalabas ng DepEd na nagbabawal sa mga vendors na magtinda sa paligid ng mga pampublikong eskuwelahan. Mahigpit daw nilang ipatutupad ang kautusang ito at magalit na kung magalit ang mga vendors.
Tama lang ang kautusang ito ng DepEd at sana ay noon pa nila ito ipinatupad. Hindi na dapat maulit ang pagkalason sa mga estudyante. Sikapin naman sana ng DepEd na magkaroon ng kantina sa loob ng school at nang masiguro na ang pagkaing isisilbi sa mga estudyante ay hindi makalalason.
Nararapat namang subaybayan ng mga magulang ang kanilang anak at pagbawalang bumili sa mga vendors. Ipaliwanag na mabuti sa kanila ang dahilan ng pagbabawal.