"Ang nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
"Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Jesus wala sa isang tao, hindi siya kay Jesus. Ngunit kung nasa inyo si Jesus, bagamat patay na ang inyong katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesus, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo."
Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, ilang ulit tayong namamatay dahil sa mga pagkakasalang ating nagagawa sa Diyos at sa kapwa tao. Datapwat tayoy mulit muling binibigyan ng buhay ng Diyos kapag humingi tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at sinikap nating mamuhay ayon sa kanyang kalooban at kagandahang-asal - mga palatandaan na nasa sa atin ang Banal na Espiritu.
Sa gitna ng pangmundo at pangmateryal na isipin at pinagkakaabalahan sa araw-araw, magkaroon sana tayo ng panahon na mapagnilayan kung ano talaga ang nakapagbibigay-buhay sa ating katauhan at kaluluwa.