Sa kahilingan ng Mayor, pinayagan ng Sandiganbayan na imbestigahan muli ang kaso. At pagkaraan ng panibagong imbestigasyon, nirekomenda ng nag-re-imbestiga sa Ombudsman na iurong na ang kaso dahil batay sa bagong ebidensiyang inilahad ng mayor ang reklamo laban dito ay walang sapat na batayan. Binawi na raw ng may-ari ng tindahan ang kanyang unang salaysay at ayon naman daw sa audit report lumalabas na walang iregularidad. Dapat bang i-urong ang sakdal?
HINDI. Hindi ang prosecution ang nagpapasya kung may sala nga ba ang akusado na walang pag-aalinlangan. Ang tungkulin nito ay alamin lang kung malamang na nagkasala nga ang isang akusado upang ang kaso nito ay litisin ng hukuman. Ang pangunang pagsisiyasat na ginagawa ng prosecution ay hindi nangangailangan ng ebidensiyang panghatol. Hukuman, hindi taga-usig, ang may katungkulang alamin kung ang akusado ay nagkasala ng walang kaduda-duda. Ang rekomendasyong iurong ang kaso laban sa mayor ay base sa pagpapahalaga sa ebidensiya na kailangang dumaan sa mahigpit na pagsusuri ng hukuman sa isang malawakang paglilitis ng kaso (Rizon vs. Desierto, G.R. No. 152789 October 21, 2004).