Ang ebalwasyon ay hindi lang ginagawa sa sarling pananaw kundi base sa masusing pagmo-monitor at pag-aaral at pagsasagawa ng pananaliksik.
Ang taong 2003 hanggang 2004 ay mahahalagang panahon para sa kampanya ng pamahalaan upang linisin ang hangin. Kabilang sa milestones ng Clean Air Act at ng implementing rules and regulations (IRR) ay ang nagpi-phase-out ng leaded gasoline. At noong unleaded gasoline na ang ginagamit, nabawasan pa ang aromatics mula 45 percent hanggang 35 percent.
Maliban dito ipinatupad din ang pagbawas ng sulphur content ng automotive diesel mula sa 0.2 percent hanggang 0.05 percent at pagbawas ng 0.3 percent maximum sulpur ng industrial diesel. Isa pang mahalagang nagawa dahil sa Clean Air Act ay ang pagtanggal ng mga incinerators na ginagamit sa mga bio-medical wastes.
Pinasimulan din ang paggamit ng mga malinis na alternatibong gasolina tulad ng CNG o compressed natural gas at liquefied petroleum gas.
Ang paglalagay ng air quality monitoring stations sa ibat ibang bahagi ng Metro Manila at sa iba pang siyudad ay malaking tulong upang ma-monitor ang pagbuti o pagsama ng kalagayan ng hangin at upang makakuha ng mga impormasyon para makapagsagawa ng pollution management at control program.