Sa halip na masaktan, hanapin ang problema kung bakit sa tagal ng panahon ay hindi madurog ang sindikato ng droga sa bansa. Sa halip na maging balat-sibuyas, gumawa ng batas na magdadagdag nang mabigat na parusa sa mga madadakip ng drug traffickers. Sa halip na kuwestiyunin nang kuwestiyunin at umangal sa mga kritiko, hagupitin ang mga drug enforcement agencies na tutukan at sikaping madakip ang mga lider ng sindikato at hindi ang mga katulong sa shabu laboratory ang nadarakip.
Atasan ang Philippine National Police (PNP) na dagdagan pa ang pagsisikap at huwag tulugan ang problema sa illegal drugs. Laging ipinagmamalaki ng PNP na marami na silang nalansag sa shabu laboratory. Pinakarami noong nakaraang taon kung saan limang malalaking international sydicate at 83 local drug syndicates ang kanilang nalansag. Sunud-sunod nga naman ang pagkakatuklas ng PNP sa mga shabu labs sa Parañaque City, Valenzuela City at Quezon City. Pero ang labis na nakapagtataka ay kung bakit walang malalaking "isda" na lider ng sindikato ang kanilang nadadakma. Nasaan na sila? Nakatakas na bago pa man dumating ang mga pulis? Nabigyan na ng tip ng mga kasamahan o mismong mga "bugok" na pulis na kasabwat nila ang nagbigay ng signal para tumakas?
Karumal-dumal ang mga krimeng idinudulot nang pagkagumon sa shabu. May nanggagahasa, pumapatay, nagnanakaw, at marami pang iba. Kung hindi magkakaroon ng mabisa at seryosong kampanya ang gobyerno, malamang na maging number one na ang Pilipinas sa pag-eexport ng shabu. Magsusulputan na parang kabute ang mga shabu labs.
Durugin ang mga sindikato ng shabu para mailigtas ang kabataang Pinoy sa pagkasugapa.