Nagsimula ang labanan noong Peb. 7, 2005 nang lusubin ng nagsanib na MNLF at Sayyaf ang army detachment sa Sulu. Umanoy ginawa ng MNLF ang pagsalakay bilang ganti sa ginawang pagpatay ng marines sa isang bata. Itinanggi naman ito ng military. Ang sumunod ay walang puknat na labanan. Kabilang sa napatay ay isang army battalion commander. Tinamaan ng mortar si Col. Dennis Villanueva at hindi agad nadala sa ospital. Naubusan ng dugo si Col. Villanueva.
Hinala ng pamahalaan na nasa likod ng mga pagsalakay ng mga MNLF renegades ang dating chairman nito na si Nur Misuari. Si Misuari ay kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong rebelyon. Itinanggi naman ni Misuari na may kinalaman siya sa pagsalakay.
Nararapat ipagpatuloy ang pagdurog sa MNLF at Sayyaf. Huwag nang bigyan ng pagkakataon ang mga terorista. Huwag pakinggan ang kahilingan ng ilang sector na itigil ang labanan. Sasamantalahin lamang ang tigil-putukan para makatakas o kayay makapangalap ng miyembro. Hindi na dapat maulit ang mga ginawang kasalanan ng MNLF at Sayyaf sa taumbayan na maski ang mga walang kamalay-malay na sibilyan ang kanilang piniperhuwisyo.
Tapusin ang laban sa mga terorista sa Sulu. Huwag hayaang maging pugad ng masasamang elemento ang nabanggit na lugar. Masyado nang nabugbog sa kaguluhan ang Sulu dahil sa mga terorista. Maski ang mga taga-Sulu mismo ay nagsasawa na rin sa kaguluhan na matagal nang namamayani roon.
Maibabalik lamang ang katahimikan sa Sulu kung madudurog nang lubusan ang mga teroristang MNLF at Sayyaf.