Umalma ang mga miyembro ng House nang walang kaabug-abog na inaprubahan ng Senado ang P907.56-billion budget ngayong 2005. Ang pagkakaapruba ng budget ay nagresulta sa pag-cut ng 40 percent "pork barrel" ng mga kongresista. Nagalit ang mga kongresista at agad nagpahayag na dapat ay buwagin na ang Senado. Sabi ni Sorsogon congressman Jose Solis, ang Senado ay appendix ng Congress na dapat alisin. Sabi ni House Majority leader Prospero Nograles, na mas makabubuti sa bansang ito kung may isang parliament na lamang. Sabi ni Basilan congressman Gerry Salapudin, makabubuting buwagin ang Senado para magkaroon ng daan sa pagbubuo ng unicameral system. Sabi nina Congressmen Rolex Suplico, Jesli Lapuz, Benasing Macarambon at Crispin Beltran, kung ang nagagawa lamang ng Senado ay mag-manufacture ng kasinungalingan at mga mapanirang salita, mas makabubuting buwagin. Hindi na raw kailangan ang Senado sa bansang ito sabi pa ng mga congressmen.
Pero may hamon si Sen. Miriam Santiago sa mga congressmen na gustong buwagin na ang Senado. Mag-hara kiri na lamang daw ang lahat ng kongresista at mga senador. Sabay-sabay silang magtarak ng patalim sa tiyan o sa lalamunan. Mag-suicide na silang lahat.
Nagbabangay-bangayan na sila dahil sa budget. Sabi ng mga senador, ipinasa na nila ang House version ng budget para maiwasang makapag-insert ang mga kongresista rito particular ang kanilang pork barrel. Sabi ng mga kongresista, sinamantala naman ng mga senador ang pagpapasa ng budget para makakuha ng "brownie points".
Pare-parehas lang sila na pawang pansarili lang ang iniisip at hindi ang kapakanan ng nakararami. Bakit ipinasa kaagad ng mga taga-House ang expanded value added tax? Bakit may mga senador na ayaw bawasan ang kanilang pork barrel? Bakit walang makaisip ng paraan kung paano mapapagaan ang buhay ng mamamayan? Bakit puro pahirap na lang?
Mabuti pa ngang magpakamatay na lang sila nang sabay-sabay.