Pinagaling ang bulag

ANG kuwento sa Ebanghelyo ay tungkol sa isang lalaking ipinanganak na bulag na binigyang-paningin ni Jesus. Kapansin-pansin sa kuwento ang mga Pariseo. Sila’y nakakakita, datapwat sila’y nabubulagan. Hindi sila naniniwala kay Jesus. Basahin ang kuwento at tingnan kung paano naganap ang kabaligtaran (Jn. 9:1, 6-9, 13-17, 34-35).

Sa paglalakad ni Jesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. Pagkatapos nito, si Jesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Pumunta ka sa deposito ng tubig — sa Siloe." (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) "Maghilamos ka roon." Gayon nga ang ginawa ng bulag at nagbalik na nakakikita na.

"Hindi ba ‘yan ang lalaking dating nagpapalimos?" tanong ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa. Sumagot ang ilan, "Siya nga!" "Hindi! Kamukha lang," sabi naman ng iba. At sumagot ang lalaki, "Ako nga po iyon."


Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. (Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at padilatin ang bulag.) Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, "Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, pagkatapos naghilamos ako, at ngayo’y nakakikita na ako." Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, "Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga." Ngunit sinabi naman ng iba, "Paanong makagagawa ng kababalaghan ang isang makasalanan?" At hindi sila magkaisa ng palagay.

Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, "Ikaw naman, ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, yamang pinadilat niya ang iyong mga mata?" "Siya’y isang propeta!" Sumagot sila, "Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin? At siya’y itiniwalag nila."

Manalangin na kayo rin ay makakita -— isang tunay na pagkamulat sa pagka-Diyos at dakilang pagmamahal ni Jesus para sa inyo.

Show comments