Mga pagtukso kay Jesus

SI Jesus ay tinukso, gaya rin sa kaparaanan ng pagtukso sa atin. Ang sulat ni San Pablo sa mga taga-Hebreo (Heb. 4:15) ang nagsasabi: "Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala."

Basahin ang Mateo 4:1-11 para malaman kung paano tinukso si Jesus.

Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon, 40 araw at 40 gabing nag-ayuno si Jesus, at siya’y nagutom. Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mong tinapay ang mga batong ito." Sumagot si Jesus, "Nasusulat, hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos."

Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo sa Banal na Lungsod. "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka,’ at ‘aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato." Sumagot si Jesus, "Nasusulat din naman, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.’"

Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Mula roo’y ipinatanaw sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kayamanan ng mga ito. Sinabi ng diyablo, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito, kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin." Sumagot si Jesus, "Lumayas ka, Satanas! Nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo; Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’"


Iniwan siya ng diyablo. Dumating ang mga anghel at naglingkod sa kanya.

Sinasabi ng mga dalubhasa sa Bibliya na ang mga pagtukso kay Jesus ay naganap sa panahon ng buong buhay niya hanggang sa kanyang pagpapakasakit.

Tayo rin ay tinutukso. Tulad ni Jesus, dapat nating labanan ang mga tuksong dumarating sa atin. Bagamat maaaring hindi natin mapanalunan ang lahat ng mga tuksong dumarating sa atin, dapat tayong manalangin kay Jesus na gawin tayong matatag sa harap ng mga tukso.

Hayaang ang mga pakikibaka laban sa mga tukso ang maging handog natin kay Jesus lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.

Show comments