EDITORYAL - Pangalanan ang protector ng mga smugglers

DITO sa bansang ito na laganap ang katiwalian, bihirang makatagpo ng mga pinuno na matapang na sasagupa sa mga corrupt at ihahayag ang kanilang pangalan. Wala pang pinunong harap-harapan ay tinutukoy ang mga tiwali at saka sasampahan ng kaso. Mabibilang sa daliri ang masasabing lumalaban sa mga tiwali.

Talamak ang smuggling sa bansa at walang matapang na pinuno na makasupil sa mga tinatawag na "economic saboteurs". Bilyong piso ang nananakaw sa kaban ng bansa dahil sa walang puknat na smuggling. At walang magawang paraan ang Bureau of Customs sapagkat mismong ang mga opisyal at empleyado roon ay kasangkot din sa katiwalian.

Isa namang maipupuri sa Arroyo administration ay maraming kampanya upang labanan ang mga smugglers. Marami na siyang mga taong kinomisyon para pamunuan ang anti-smuggling task force. Marami nang sinubukang paraan para maputol ang katiwalian pero wala pa ring nangyari.

Isa sa mga inilagay sa puwesto ay si dating Presidential Security Group commander Jose Calimlim na naatasang pamunuan ang anti-smuggling task force sa Subic Bay Freeport Zone. Kamakailan, sinabi ni Calimlim na may mga matataas na opisyal ng administration ang nagpoprotekta sa mga big time smugglers. Ang pagbubunyag ni Calimlim ay nangyari matapos naman siyang akusahan na kumuha ng P2 milyong halaga ng mga imported na luncheon meat. Ikinarga umano ang mga luncheon meat sa isang van na may nakasulat na "Calimlim Farms". Inimbestigahan ng mga kongresista ang insidenteng iyon at ayon sa report nang iinspeksiyunin ng mga Subic police ang van, dalawang armadong tauhan ni Calimlim sa task force ang pumigil sa mga pulis. Sabi naman ni Calimlim ang mga luncheon meat ay dinala sa Logistics Command ng Armed Forces of the Philippines noong Dec. 24, 2004 para ipamahagi sa mga biktima ng bagyo sa Luzon.

Hindi ito ang una na nasangkot si Calimlim sa kontrobersiya kaugnay sa anti-smuggling campaign. Noon, nakasabat ang kanyang unit ng mga motorsiklo sa Ilocos Region na umano’y dinala roon ng isang taong malakas sa administrasyon.

Maraming alam si Calimlim. Kilala na niya ang mga bituka ng malalakas sa administrasyon. Ngayong sinabi na niya na may mga high-level administration officials na nagpoprotekta sa mga smugglers, dapat niyang pangalanan ang mga ito. Hindi dapat mabahag ang kanyang buntot.

Show comments