Kasi nga, halos isang buwan nang OIC si Mendoza sa CIDG at mukhang nagustuhan na niya ang malambot na upuan niya. May 18 milyon na dahilan kaya? Kapag na-impress kasi ni Mendoza si GMA, aba tiyak siya na ang itatalagang hepe ng CIDG kayat nagkukumahog ang kanyang mga tauhan na makapag-deliber ng malalaking kaso. Maganda na ang umpisa nila sa pagpatay ng anim na bank robbers sa isang engkuwentro sa Bulacan kayat maaaring naaamoy na ni Mendoza ang grasya kapag permanente na siyang CIDG director nga. Kaya nagmamadali silang sundan ito at ang pagsalakay nga sa isang building sa Taft Ave. ang isinagawa pero nabahiran naman ng kontrobersiya.
Inakusahan kasi ng mga kaanak ng naaresto ang CIDG ng planting of evidence. He-he-he! Kahit ano gagawin para lang magpabango sa Palasyo, di ba mga suki?
Sa ngayon pala, may mahigpit na karibal pa si Mendoza sa puwesto ng CIDG sa katauhan nina Chief Supts. Ricardo Carding Dapat at Nicolas Pasinos. Si Dapat ay kasalukuyang hepe ng Maritime Command samantalang si Pasinos naman ang hepe ng Directorate for Personnel and Resource Management (DPRM) sa Camp Crame. Si Dapat ay dating hepe ng CIDG-NCR at si Pasinos naman ay galing din sa WPD at iba pang units ng pulisya at kapwa sila may magandang record para maging CIDG chief. Pero kung sa punto ng media mileage, walang kakayahan sa ngayon sina Dapat at Pasinos na sabayan si Mendoza kayat sinamantala naman ito ng huli. Kaya lang hindi naging maganda ang patutsada niya at nakadagdag pa sa problema ng bansa.
Mauungusan pa kaya nina Dapat at Pasinos si Mendoza sa homestretch ng laban para sa CIDG post? Kapag pinalad naman si Mendoza na mapiling CIDG chief, dapat ang unang i-address niya ay ang leadership problem niya. Kasi nga si Mendoza ay napiling mamumo ng PACER ng PNP subalit halos kalahati ng miyembro nito ay lumayas nang mabalitaang uupo na siya. Bakit nandidiri ang kapwa niya pulis kay Mendoza? Totoo ba na mahilig siya sa hokus-pokus? Alam kaya ni Dir. Robert Delfin ang kasagutan ng tanong natin? Good luck na lang sa kung sino man ang basbasan ni GMA (o ni First Gentleman Mike Arroyo ba?) na maging CIDG chief. Abangan!