Wala siyang balak tumakas, sabi ni Estrada at babalik siya para ipagpatuloy ang laban ng namayapang kaibigan na si Fernando Poe Jr. Pag-iisahin din daw niya ang oposisyon. Nakabalik na nga siya kahapon dakong 1:48 p.m. at mula sa NAIA deretso siya sa Camp Capinpin.
Pero bago matahimik ang kontrobersiya ng kanyang pagpapaopera sa Hong Kong, dapat namang maging malinaw sa taumbayan ang mga pag-abuso niya sa kaluwagang ibinigay ng pamahalaan. Dapat imbestigahan ang mga police escorts na pumayag na makalabas ng ospital si Erap at makatuloy sa Parkview Hotel. Bukod sa pag-stay sa luxury hotel, marami pa rin umano ang nakakita na namasyal si Erap sa iba pang lugar sa Hong Kong.
Masamang halimbawa ang ginawa ni Erap habang nagpapagaling sa kanyang inoperang tuhod. Dahil sa pagbibigay ng VIP treatment, maraming bilanggo ang magkakaroon ng ideya na maaari naman palang humiling sa pamahalaan. Maaaring si Erap ang ginagawang halimbawa ni dating Zamboanga Rep. Romeo Jalosjos para makahingi ng pardon kay President Arroyo. Hindi lamang si Jalosjos, baka pati si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez ay humiling din sa pamahalaan. Masamang halimbawa sa iba pang bilanggo. Masyadong inaabuso ni Erap ang ibinibigay ng pamahalaan. Nang makuha niya ang kanang kamay, ang kaliwang kamay naman ang gusto niyang kunin.
Masisisi naman ang pamahalaan kung bakit naging ganito si Erap. Masyadong malambot ang pamahalaan at lahat ng kapritso ay pinapayagan. Ayon sa mga eksperto sa batas, hindi tama ang pagpayag ng pamahalaan na makapagpaopera sa Hong Kong. Labag daw ito sa batas at maaaring mapatalsik sa puwesto si Arroyo.
Tama na ang pag-abuso sa ibinibigay ng pamahalaan. Ang dapat pagpursigihan ni Erap ay madaliin ang resolution ng kanyang kaso at nang maalis ang batik sa kanyang pangalan. Lagi niyang sinasabi na wala siyang nagawang kasalanan at malinis ang kanyang konsensiya. Kailangang mapatunayan ang kanyang sinasabi.