Kawawa naman ang Philippine National Police (PNP) sapagkat no match ang kanilang mga baril sa "kargada" ng mga holdapers. Kung hindi nasaklolohan ng ibang unit, baka nakatakas ang mga "halang ang kaluluwa" at nagpapakalunod na sa sangkatutak na perang nakulimbat nila. Kapag naubos na ang nakulimbat, babanat na naman. Malakas ang kanilang mga loob na mangholdap sapagkat kaya naman nilang labanan ang kapulisan na salat na salat sa armas. Kakaawa naman ang PNP.
Bilib it or nat pero 35,000 sa may kabuuang 117,000 pulis sa buong bansa ay walang baril. Nakagugulat ang bilang ng mga pulis na walang baril. Kaya naman pala maraming pulis ang tumitimbuwang kapag umatake ang mga "halang ang kaluluwa". Kapag may nangyaring holdapan sa dyipni o FX, hindi man lamang makaporma ang pulis na pasahero sapagkat wala nga siyang baril. Masyadong delikado ang kanilang kalagayan na isang alagad ng batas pero walang armas para maipagtanggol ang taumbayan at ang sarili. Hindi naman maaaring batuta ang kanyang dalhin. Ano ang laban ng batuta sa M-16 rifle?
Ito ang problema ni PNP chief Dir. Gen. Edgardo Aglipay kaya nang humarap siya sa Senate committee on Finance, hiniling niya sa mga senador na aprubhan ang P135.197 billion proposed budget ng PNP para sa 2005. Kung maaprubahan ang kanilang inihahaing budget, ang kakulangan sa armas ng mga miyembro ng PNP ay masosolusyunan. Maaari nang makabili ng mga matataas na kalibre ng baril para matapatan ang mga holdaper.
Kung maaaprubahan ang budget dapat namang siguruhin ni Aglipay na ang iisyuhan niya ng baril ay mga pulis na hindi "bugok" at hindi ito gagamitin sa kawalanghiyaan.