Naguho ang lupa at inanod ang napakaraming troso mula sa kabundukan dahil sa pananalasa ng mga bagyo. Ang mga inanod na troso ang naging dahilan para masira ang linya ng tubig na nagsusuplay sa Metro Manila at iba pang lugar. Ayon sa mga awtoridad, aabutin ng apat na buwan ang pagkumpuni sa nasira. Hindi lamang ang inuming tubig ang apektado kundi pati na rin ang mga irrigation. Kapag naubos ang nakaimbak na tubig sa La Mesa Dam malaking problema ang kahaharapin. Umanoy mababawasan ng 10 porsiyento ang supply ng tubig dahil sa pagkasira ng linya.
Pero kasabay nang pag-anunsiyo na magkakaroon ng kakapusan sa tubig, inihayag din naman ng Maynilad na magtataas sila ng singil sa tubig sa susunod ng buwan.
Ang tanong ngayon ay masisikmura kaya ng Maynilad na sumingil nang mataas gayong palpak ang kanilang serbisyo? Kamakailan lamang, maraming residente sa Novaliches, Quezon City ang nagreklamo na madilaw ang tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo. Napilitan ang mga residente na bumili ng inuming tubig sapagkat hindi maaaring inumin ang lumalabas sa gripo.
Ilang taon na ang nakararaan, maraming residente sa Tondo ang nagkasakit sapagkat ang nainom nilang tubig ay nakontamina ng dumi ng tao. Ang mga tubo ng tubig ay may butas at doon dumaan ang mga dumi. Marami ang naospital. Saka lamang kumilos ang mga awtoridad at hinukay ang mga tubong kinakalawang na pala.
Sinabi namin ang mga nangyaring problema para malaman ng awtoridad ang kakulangan at marami sa mamamayan ang patuloy na nagnanais na makainom nang malinis na tubig. Matagal na nilang pangarap.
Ngayoy nakaamba na naman ang krisis at ang panawagan ng gobyerno ay magtipid sa paggamit ng tubig. Ilang beses na ba ang ganitong panawagan kapag nakaharap sa krisis? Marami na at nakasasawa na. Habang may nagtitipid ay mayroon namang bulagsak at wariy pakialam kung mag-aksaya ng tubig. Nangangailangan din namang irepair ng dalawang water concessionaires ang mga leak na nagtatapon nang maraming tubig sa kalsada. Apurahin din ang pagkumpuni ng mga nasirang linya ng tubig.