Ang Linis Hangin ay isa sa pangunahing programa ng DENR upang mabawasan ang antas ng polusyon sa hangin. Ito ay may tatlong bahagi Bantay Tambutso para sa mga sasakyan, Bantay Tsimiya para sa mga pabrika at mga industriya at ang Bantay Sunog Basura para mahinto ang malawakang gawaing pagsunog ng basura.
Sa Lunes ilulunsad ang kampanyang ito na dadaluhan ng mga ibat ibang ahensiya ng gobyerno na katuwang ng DENR gaya ng Land Transportation Office, Department of Transportation and Communication, mga local government units, mga miyembro ng Senado at Kamara, Academe, NGOs, mga industriya, mga estudyante at iba pang mga grupong sumusuporta sa hangaring linisin ang hangin sa ating kapaligiran.
Ang Linis Hangin ang magsisilbing kabuuang kampanya upang lalong maging malawak at malakas ang suporta ng ibat ibang sektor ng lipunan sa pagpapatupad ng Clean Air Act.
Lubhang napakaraming kailangang gawin sa ating kapaligiran na hindi makakaya lamang ng DENR, kung kaya nagpapasalamat kami sa mainit na pakikiisa at pagtulong ng mga ibat ibang industriya, pribadong sektor, mga NGOs, academe, LGUs at ibang ahensiya. Sa sama-sama nating pagkilos marami tayong magagawa.