Kahit abot langit na ang sigaw ni Razon ukol sa all-out war niya sa video karera, eh mukhang kibit balikat lang ang pagtanggap ng mga kapulisan natin, lalo na sa WPD, sa kautusan niya. Inuulit ko, paano malilipol ang video karera sa Maynila eh may utang na loob ang mga station commanders kina Randy Sy, Boboy Go at iba pang operators na karamihan ay mga pulis din mismo? Ito palang si Randy Sy ang nilapitan ng mga station commanders para ipagawa ang kani-kanilang opisina kaya bilang paglingon eh kakutsaba sila para hindi makumpiska ang mga makina niya. Kaya kahit namamaos na si Razon sa kasisigaw ukol sa kampanya niya sa video karera, tiyak pa rin na patuloy ang operation ni Randy Sy dahil kinakalong din siya ni Mayor Atienza. Kaya ba ni Razon na banggain si Atienza? Tiyak hindi, di ba mga suki?
Itong Southern Police District naman sa ilalim ni Chief Supt. Wilfredo Garcia ay nagsunog din ng mga nakumpiskang makina noong Lunes. Pero may balita ako na tuloy pa rin ang operation nina SPO4 Arsenio Bobot Mangulabnan at PO3 Delfin Mackie Macario sa Makati City lalo na sa JP Rizal St., Olympia at Malugay. Nakatago ang mga makina nina Mangulabnan at Macario na may sticker na Agila na nakapatong sa mga barya. Nagkamali rin ata si Garcia sa pag-utos niya kay Macario na mag-operate laban sa video karera. Kasi, ayon sa mga nakausap kong pulis SPD, ang mga makina ng kalaban nila ang kinukumpiska nina Mangulabnan at Macario at iniiwang nakalatag ang kanila.
Hindi rin umano idinedeklara ni Macario ang ilan sa mga nakumpiska niyang makina. Ano ba yan?
Ang gamit ng dalawang sasakyan ay ang isang kulay asul na Adventure na may plakang WHK 131 at kulay puti na Corolla, anang kausap ko.
Ayon kay Razon 50 percent na ng video karera sa Metro Manila ay wala na sa kalye. Owww? Pero sa tingin ko naman, paano magtatagumpay ang mga programa ni Razon kung patuloy na umiikot itong sina Arnold Sandoval at Jess Magat sa Maynila at Bebet Aguas sa SPD para ikolekta ang opisina niya? Abangan!