Tiwala sa sarili,tiwala sa iba

NAGKATOTOO ang ikinakatakot ni AFP spokesman Col. Danny Lucero. Baka raw gamitin ng politiko ang exposés ng Sapol at Gotcha tungkol kina Maj. Gens. Carlos Garcia at Ralph Flores. Humiyaw nga si Sen. Juan Ponce Enrile na dapat kuno mag-resign si AFP chief of staff Gen. Narciso Abaya dahil nakapaglustay ng pera ng AFP si Garcia at nakapagpeke ng birth record si Flores sa ilalim ng panunungkulan niya.

Hindi basta pulitika ang laro ni Enrile, kundi pulitikang baluktot. Si Abaya na nga ang nag-utos isuspinde si Garcia at i-court martial si Flores, siya pa ang patatalsikin? Aba’y kung susundin ang katuwiran ni Enrile, e di mag-resign din siya dahil may isang lukaret at puro artista sa Senado.

Kapag ang isang opisyal ay matapang na nagsusulong ng reporma, dapat itong kilalanin at hindi kantiyawan. Pa-retire na si Abaya sa Okt. 29; puwede niyang ipaubaya sa papalit sa kanya ang desisyon tungkol kina Garcia at Flores. Kaibigan niya ang dalawa bilang honorary member ng PMA Class ’71; maari niyang pagtakpan ang mga kaso. Pero hinarap niya ang responsibilidad ng hepe, inako ang maseselang desisyon. Mas mahal niya ang AFP at Republika kaysa sarili at mga kaibigan. Ibang-iba siya sa bata ni Enrile na taga-PMA ’71 din, na panay ang kudeta laban umano sa kabulukan sa AFP, pero wala namang naipasibak na kaklase.

Bumaha ang mga liham-pagbati sa akin dahil sa scoops. Karamihan ay paghanga sa PSN at The STAR. Ilan ay pagtuya na nag-aaksaya lang ako ng panahon at pinapahamak ang sariling buhay sa pag-expose ng corruption. Wala raw mangyayari dahil, sa dakong huli, makakalusot lang daw ang mga in-expose na heneral.

Ang mga nanunuya ay walang tiwala sa sarili, kaya walang tiwala sa iba. Tungkulin hindi lang ng peryodista kundi ng lahat ng mamamayan na ilantad ang kabulukan at sundan ang mga kaso nila. Pinaka-nakakataba ng puso ang liham na galing sa retiradong sarhento. "Maipagmamalaki ko na Pilipino ako," aniya, "kapag may mga katulad ninyong nais linisin ang AFP, kaya kasama ako sa laban niyo. Sabi n’yo nga, isang bus lang tayo."

Show comments