Corruption at gutom. Magkakambal na ang dalawang ito. Ang pagkagutom ang magiging resulta nang mga pagnanakaw ng mga opisyal ng pamahalaan. At walang ibang apektado rito kundi ang karaniwang mamamayan. Ang mga perang kanilang ninanakaw ay na dapat sanay mapupunta sa mga serbisyong laan sa mahihirap ay sa kanilang bulsa lamang nasisiyut. At ang matindi walang kabusugan ang mga magnanakaw, kahit na nakapagnakaw na, magnanakaw pang muli. Mas mahigit na nga sila sa buwaya kung ituturing. Ang buwaya kapag nabusog ay titigil sa pagkain. Kakain lamang siya kapag nagutom. Ang mga "kawatan" sa gobyerno ay taliwas sapagkat hindi tumitigil sa kasibaan o katakawan. Ganyan ang mga nasa BOC, BIR, DPWH at ngayoy kasama na ang AFP.
Matunog ang AFP ngayon dahil sa alingasaw ng pangalan ni Army Major Gen. Carlos Garcia. Lumalalim pa ang kaso niya. Makaraang suspindehin ng anim na buwan ng Office of the Ombudsman dahil sa false declarations sa kanyang Statement of Assets and Liabilities (SAL), natuklasan pang nakapag-withdraw pa si Garcia ng P19 million sa Armed Forces and Police Savings and Loan Association Inc. (AFPSLAI).
Nabuking ang pagkamal ni Garcia ng dolyar nang pigilin ang kanyang anak na lalaki sa San Francisco Airport dahil hindi nito naideklara ang dalang $100,000. Kinumpiska ang pera ng US authorities.
Noon pang December nang nakaraang taon ito nangyari pero kakatwang ngayon lang umalingasaw. Bakit hinayaan pang tumagal ng ilang buwan saka lamang nasuspinde si Garcia? At kakatwa ring pagkasuspinde lang na walang tatanggaping sahod ang parusa. Ganito ba talaga kagaan ang parusa sa mga magnanakaw?
Habang may mga karaniwang sundalong naka-lubog sa hindi mabayad-bayarang utang at walang sariling bahay, may mga general naman palang nakahiga sa malulutong na dolyar. Dapat silang pagbayarin sa kasalanan.