Magkakaroon din ng linaw ang kaso na ito ng mga workers sa susunod na mga araw. Sa kanilang sulat, ipinaliwanag ng mga workers kung paano pabagu-bago ang desisyon ni Alino ukol sa kanilang kaso. Inaamin nila na may paghahabol ang Philippine National Bank (PNP) sa mga ari-arian ng Monomer nga subalit nauna umanong inilabas ni Labor arbiter Danilo Acosta ang writ of execution kung saan nagsasaad na maari nilang ibenta ang mga kagamitan sa planta para mabayaran ang sick leave, retirement pay at back wages nila na aabot sa P26 milyon. Nabanggit sa naturang writ ang 17 departments at kagamitan ng sugar central na maaring ibenta ng mga workers sa mataas na bidder.
Lalong tumibay ang tsansa ng mga workers ng katigan kamakailan ng Court of Appeals 20th Division ang ipinaglaban nila. Kung ayaw ni Alino na tulungan sila, sana magising ng maaga sina President Arroyo, Sec. Reyes at PNP chief Aglipay para ma-convert nila sa pera ang mga kagamitan at ng may pangtustos naman sila sa pang-araw-araw na gastusin ng kani-kanilang pamilya. Ang dalangin nila sana ay may panggastos sila sa darating na Christmas bago abutin sila ng tag-gutom.
Kahit ang mga regional sheriff ay pumapayag na i-execute na ang order ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa Iloilo pero hindi nila magagawa ito kung walang pulis na kasama dahil may 40 security guards na nagbabantay ng planta sa Dumalag.
Ayon sa mga workers may order umano ang pamunuan ng PNB na huwag papasukin kahit sino at kung may mangahas man ay paputukan na. Kasi nga ayon sa taga-PNB mga illegal ang NLRC at court decisions na hawak ng mga workers. Ano ba yan? Inaamin ng mga workers na nagsampa ang PNB ng kasong robbery sa Mambusao RTC laban sa tatlong sheriff na tumutulong sa kanila. Pero sa tingin nila harassment lang ang kaso para tumigil na rin ang mga sheriff sa pagtulong sa kanila. At sino pa ang mag-iimplement ng NLRC order kung wala ng pulis at sheriff na tutulong sa kanila? Tanong nila. Mahirap talaga magkaroon ng hustisya ang mga mahihirap sa bansa natin, anila!