Talamak ang pagpapasok ng mga smuggled na sasakyan at hindi na ito balita. Karaniwan na lang. Natuklasan nina Gordon na may 90,000 sasakyan ang ilegal na ipinapasok sa bansa sa pamamagitan ng SBMA. Noong January 2003, sinabi ni Gordon na may 6,000 kotse ang inismagel sa Subic. Wow!
Nadadaya ang pamahalaan dahil sa talamak na smuggling ng sasakyan. Ang dapat ibayad na buwis ay napupunta lamang sa bulsa ng mga corrupt. Ang mas matindi pa, dahil sa smuggling, nawawalan ng trabaho ang mga nasa car industry. Bagsak ang negosyo. Pinapatay ng smuggling ang local automotive industry. Dapat pang halukayin ang talamak na smuggling sa Clark at Subic.
Ang pagkakahalukay na ito sa smuggling ng sasakyan na kasangkot ang mga taga-Customs ay nagpapakita lamang na laganap ang katiwalian sa nasabing ahensiya. Na kung mapipigil lamang maaari pang makabangon pa ang bansa sa pagkakasadlak sa kumunoy ng kahirapan. Tama si Senator Gordon na malaking pera ang nawawala sa gobyerno. Dagdag sa problema nang nakasakmal na fiscal crisis sa bansa.
Sagad na sa buto ang katiwalian sa Custom at patunay dito ang pagkakasuspinde sa dalawang empleado roon kamakailan lang dahil sa pagbag-sak sa "lifestyle check" na ipinaiiral ng gobyerno. Imagine, clerk lang sa Customs pero tatlo ang magagarang sasakyan at may malaking bahay at lupa. Mas matindi ang mensahero roon na ang suweldo lamang ay P5,000 pero dalawa ang sasakyan.
Habang marami ang naghihikahos marami naman ang kumakamal ng pera sa Customs at nalilinlang ang pamahalaan.