Naging hepe sa Tagum, Davao del Norte, si Leuterio. Doon, winasak niya ang mga sindikatong holdaper. Pero mas importante, nilapit niya ang pulisya sa taumbayan. Nagsimula siya sa pagpapakain ng mga batang-kalye, para mailayo sila sa tukso ng pagloloko. Tapos, nilunsad niya ang taunang pakain ng headquarters tuwing Pasko sa 5,000 mahihirap; ambagan ang mga pulis at civic clubs sa gastos. Bago pa lang nauuso ang texting, ginamit niya ito para mag-report ang madla ng mga tiwaling pulis at drug pushers. Nilunsad din niya ang Barangay Yaman (Bar-Ya) na ambagan ng komunidad para sa pagpapaayos ng kapaligiran imbes na waldasin ang pera sa illegal gambling.
Hepe si Borromeo ng detective bureau sa Caloocan. Bilang tiktik, nilipol niya ang Martilyo, Solido, Bombay, Ilonggo at Saludar robbery gangs. Pero siya ang unang aamin na di niya sana ito nagawa kung hindi tumulong ang komunidad. Gayon din sa pagwasak ng Nardo kidnapping gang, sa pamamagitan ng tip sa kauuso pa lang na text messaging. Sa tulong ng civic clubs, nakapagtayo siya ng presinto sa ilang barangay. Hinimok din niya ang mga estudyante na bumuo ng Junior Police para tumulong sa pagtatrapik at pagtitiktik sa drug pushers.
Naniniwala sina Leuterio at Borromeo sa "broken windows theory" ng pagpapatupad ng batas: Bago lumala ang problema, ayusin na. Kung may basag na bintana, ayusin agad bago isipin ng mga tao na walang may keber at batuhin pa ang gusali, tapos maglipana ang krimen sa iskinita.
Kapwa sila hinirang ng Metrobank Foundation na Ten Outstanding Policemen-2004, kasama sina: Supts. Louie Oppus at Isaias Tonog, SPO2s Geronimo Manalo, Alejandro Monsale at Octavio Rivero, SPO1 Romeo Garrido, at PO3s Annie Rose Alvarado at Lorenzo Guevarra.