Dapat mahuli ang mga nagtutulak ng shabu. Dapat ang makahuhuli ay bigyan ng reward kagaya ng mga Customs officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakadakma ng tatlong babaing Indonesians na may dalang 10 kilos ng high-grade shabu noong September 5 ng gabi. Sanay laging ganito ka-alerto ang mga taga-Customs sa mga drug couriers para hindi na madagdagan ang nakakalat na shabu rito. Talamak na ang problema sa droga sa bansa at kung hindi madadakma ang mga shabu couriers darami pa ang mga addict. Kawawa ang kanilang magiging biktima kagaya ng baby na isinama ng amang praning sa pagtalon sa tulay.
Ang tatlong Indonesians ay dumating sa NAIA sakay ng Philippine Airlines flight PR-307 mula Hong Kong. Ang 10 kilos ng shabu ay naka-packed sa 24 plastic bags at nakatago sa bulsa ng pantalon na nasa luggage. Nagkakahalaga ng P10 milyon ang nakumpiskang shabu. Sinabi ng mga awtoridad na pabalik-balik na sa bansa ang tatlong Indonesians. Mula 1998 pa raw pabalik-balik ang mga ito sa bansa. Tatlong beses sa loob ng isang taon kung magpunta rito. Noong April lamang nanggaling dito sa bansa ang tatlong drug couriers.
Tiyak na marami nang naibagsak na shabu ang tatlo at napaglalangan na nila ang mga awtoridad sa aiport o mayroon silang mga kakutsabang corrupt officials kaya malakas ang loob na magdala ng shabu. Kung 1998 pa sila nagpupunta rito, mai-imagine kung gaano nang karaming shabu ang kanilang naibagsak.
Marami na silang ginawang halimaw sa bansa. Katibayan ang pagdami ng mga sugapang kabataan sa shabu. Ngayon ay hindi lamang mga kabataan kundi pati mga propesyunal ay sugapa na rin dito. May mga basketball players, artista, pulis at pati media practitioners ay sugapa sa shabu. Laganap ang krimen dahil sa salot na shabu at dapat lamang na ilethal injection ang mga couriers nito o kayay pugutan ng ulo.