Talinghaga ng habag

ANG makisalo sa pagkain sa mga taong makasalanan ay nakagawian na ni Jesus. Kinuwestiyon ng mga Eskriba’t Pariseo ang ganitong gawain ni Jesus. Bilang tugon ni Jesus sa kanila, ibinigay ni Jesus ang tatlong talinghaga. Ang pinaka-popular sa mga ito ay ang Talinghaga ng Alibughang Anak. Subalit itutuon natin ang pagninilay sa dalawang mas maikling talinghaga: Ang nawawalang tupa at ang nawawalang salaping pilak (Lk. 15:1-10).

Ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Jesus. Nagbubulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, "Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila." Kaya’t sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito:

"Kung ang sinuman sa inyo ay may 100 tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang 99 sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, "Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!" Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.’

"’O kaya, kung ang isang babae ay may 10 salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan ito, hindi ba? Kapag nasumpungan na ito ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, "Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!" Sinasabi ko sa inyo, gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan."


Ang nawawalang tupa at nawawalang salaping pilak ay mga larawan ng mga makasalanan. At hinahanap talaga ni Jesus ang nawawalang tupa at nawawalang salaping pilak. Maaaring totoo ito sa inyong buhay. Kayo’y nagkasala. Lumayo kayo sa Diyos. Hinanap kayo ni Jesus at ibinalik sa kanyang tahanan. Kung kayo’y nakadama ng kaligayahan dahil sa nakabalik kayo sa yakap ni Jesus, sinasabi ni Jesus na may mas higit na kaligayahan sa langit sa muli ninyong pagbabalik sa Diyos.

Show comments