EDITORYAL - H'wag ningas-kugon sa pagbabantay

GINUNITA kahapon ang ikatlong anibersaryo nang pagwasak ng mga terorista sa Twin Towers. Libong tao ang namatay doon kabilang ang mga Pinoy. Ang pagsalakay ng mga terorista sa US ay nag-iwan nang malalim na sugat at hanggang ngayon nadarama pa ang hapdi ng pangyayari.

Ang Pilipinas man ay dumanas din nang matinding sakit sa mga terorista makaraang bombahin ang limang lugar sa Metro Manila noong Dec. 30, 2001. Mahigit 100 katao ang namatay at marami ang nasugatan. Pinakamarami ang namatay sa Ligh Rail Transit — Blumentritt Station nang sumabog sa loob ng tren ang bomba. Tinaniman din ng bomba ang isang bus sa EDSA, naglagay ng bomba sa Plaza Ferguson sa Malate, Manila, may natagpuang bomba sa isang gasolinahan sa Makati at maging sa cargo terminal sa Ninoy Aquino International Airport.

Mga bata ang karamihan sa mga namatay sa LRT-Blumentritt Station. Nakapanghihilakbot ang tanawin. Naghambalang ang mga katawang duguan. Nagkalat ang mga sapatos, tsinelas, at mga pagkain at prutas na ihahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon. Nakayayanig palang bomba ang sasalubong sa kanila. Napatay na ang teroristang naghanda ng mga bomba na si Fathur Rohman Al-Ghozi miyembro ng Jemaah Islamiyah, pero hindi pa sapat ang kanyang kamatayan. Kulang pa. Marami pang sumisigaw ng hustisya. Hanggang ngayon patuloy pa rin naman ang banta ng terorismo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang bansa.

Noong Huwebes, niyanig ng pagsabog ang Ja- karta, Indonesia. Isang car bomb ang sumabog at walong tao ang namatay at 161 katao ang grabeng nasugatan. Ang Jemaah Islamiyah din ang may kagagawan nang pagsabog sa Jakarta.

Banta sa katahimikan. Hindi natutulog ang mga terorista. Habang natutuliro ang taumbayan sa pag-iisip kung paano pa hihigpitan ang kanilang sinturon dahil sa sunud-sunod na pagtataas ng mga bilihin, naliligalig din naman sa pagkatakot na maulit ang pambobomba sa Metro Manila. Marami ang nahi-hintakutang sumakay sa LRT sa takot na may nakatanim na bomba. Sabi naman ng pamahalaan, nakahanda sila sa terror attack. Naka-red alert ang kapulisan. Maaaring masundan ang nangyari sa Jakarta.

Ang maigting na pagbabantay ang nararapat sa panahong ito. Doblehin ang seguridad sa LRT. Maging mapagmatyag naman ang taumbayan at tulungan ang mga awtoridad na mahuli ang mga terorista. Ireport sa pulis ang mga kahina-hinalang tao. Hindi na dapat maulit ang December 30 bombings.

Show comments