Dalawang "butiki" ang nahuli sa Customs sa katauhan nina Dolores Domingo at Chito Orbeta. Si Domingo ay isang clerk samantalang si Orbeta ay isang mensahero. Nalantad ang marangyang pamumuhay ng dalawa noon pang nakaraang taon makaraang bistuhin ng tv program na "Imbestigador" ng Channel 7 hosted by broadcast journalist Mike Enriquez.
Nahampas ang dalawang "butiki" at ngayoy sinuspinde na ng Ombudsman ng anim na buwan dahil sa pagbagsak sa lifestyle check na inilunsad ng pamahalaan. Sa loob ng anim na buwang suspensiyon ay hindi tatanggap ng sahod ang dalawa, ayon sa Ombudsman.
Sa tulong ng "Imbestigador" ni Mike Enriquez, nadiskubre ang marangyang buhay ng dalawa. Si Domingo ay maraming sasakyan at may malaking bahay at lupa. Kabilang sa mga sasakyan ni Domingo ang Pajero, Starex van, Toyota Revo at Elantra sedan. Isang clerk lamang si Domingo na sumasahod ng P83,028 sa loob ng isang taon.
Si Orbeta na sumasahod lamang ng P71, 592 sa loob ng isang taon o P5,966 isang buwan ay nakabili ng Honda Civic at Toyota Revo. Pawang cash ang mga ito. Bukod sa dalawang sasakyan, nakabili rin siya ng lupa at bahay sa Laguna.
Mas matutuwa ang taumbayang naghihirap kung may mahahampas pang mga "butiki" sa Customs at sanay maimbestigahang mabuti kung paano sila nagkamal ng pera. Kapag napatunayan, tanggalin sila sa puwesto at kasuhan. Kamay na bakal ang dapat sa mga corrupt. Hindi sapat ang anim na buwang suspensiyon na walang suweldo. Magtatawa lang ang mga "butiki". Nakahimod na sila ng "grasya" matagal na.
Matutuwa rin naman lalo ang taumbayan kung ang mababalatan sa Customs ay mga "buwaya". Baka sakaling makaahon ang bansang ito sa kahirapan. Sana.