Mas masaklap kung ang isang ama ang mapraning sa ipinagbabawal na droga. Pati ang anak ay ipagsasama sa kamatayan. Katulad nang ginawa ni Nestor Silang, 33, na umakyat sa ginagawang tulay sa Commonwealth Ave. noong Biyernes kasama ang kanyang isang taong gulang na anak. Bangag umano si Silang nang ihostage ang sariling anak. May kinatatakutan umanong papatay sa kanya.
Nanatili nang may tatlong oras sa tuktok ng tulay si Silang kalong ang anak. Nakabilad sila sa araw. Mistulang baliw si Silang na hinahalikan ang anak. Palakad-lakad si Silang sa tuktok ng tulay. Hanggang sa makarinig ng wangwang at iyon ang naghudyat para siya tumalon sa may 30-foot na tulay kasama ang anak. Nabuhay si Silang pero ang kanyang anak ay namatay dahil sa internal hemmorhage.
Inamin ng asawa ni Silang na drug addict ang kanyang asawa. Maski nang interbyuhin si Silang makaraan ang insidente, sinabi niyang may mga humahabol sa kanya at gusto siyang patayin. Walang pagsisisi sa kanyang mukha. Sabi pay gusto niya talagang isama ang anak para mamatay na ito at nang hindi na magutom pa. Mas kawawa raw kung mamamatay lamang ito sa gutom.
Praning na si Silang. Ang kanyang utak ay masyado nang nalason ng bawal na droga. Lumiit nang lumiit hanggang sa kumitid at marami na siyang kinatatakutan at gustong takasan sa buhay.
Hindi lamang si Silang ang unang ama na pumatay sa sariling anak. Marami pang iba at halos lahat sila, sugapa sa droga. Noong nakaraang taon, isang praning na ama ang inihulog sa bintana ang kanyang limang buwang sanggol. Patay ang sanggol. Mayroon pang praning na ama na masyadong naingayan sa pag-iyak ng anak kaya itinapon sa bintana.
Ang mga nabanggit ay isang malinaw na katotohanan ng grabeng kapinsalaan ng droga sa tao. Hanggang ngayon patuloy ang pagsira. Ang problemang ito ay hamon naman sa PNP. Durugin ang mga drug lords!