Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanilang sinabi, "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyoy nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayain ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos - siyay kukutyain ng lahat ng makakikita nito. Sasabihin nila: "Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos." O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang 10,000 niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may 20,000 tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay."
Sinasabi ni Jesus sa atin, na kanyang mga tagasunod, na kailangan natin ang kahandaang magtaya ng halaga kung nais maging matagumpay na tagasunod niya. Dapat tayong maging handa na isuko ang kalayawan ng ating sarili. Hindi natin sinasabi na ang mga Kristiyano ay mga "malulungkot na sako." Ang pagsunod kay Jesus, gaya ng mga ipinakita sa atin ng mga banal at mga santo, ay isang maligaya at nakalulugod na gawain. Masaya tayo rito sa lupa at magiging masaya magpakailanman sa langit.