Nasa krisis ang bansa. Baon na baon sa utang. Lumulubo ang budget deficit. Patuloy ang pagbagsak ng ekonomiya. Hindi naman malaman ni President Arroyo kung saan kukuha ng pondo. Walong tax measures ang kanyang binabalak at sinabi na niya ito sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 26, 2004. Tax ang kanyang puntirya para makalikom ng buwis pero maraming tutol. Hindi na raw dapat pahirapan ang taumbayan sapagkat sagad na sagad na sa paghihigpit ng kanilang sinturon.
Hindi naman mapilit ang mga senador at kongresista na bitawan nang tuluyan ang kanilang pork barrel fund. Tanging sina Senators Panfilo Lacson, Joker Arroyo, Franklin Drilon at Alfredo Lim ang nagsabing bibitawan nila ang kanilang pork para makatulong sa naghihirap na bansa. Noong 2002 pa hindi ginagamit ni Lacson ang kanyang pork barrel allocation. Sinabi pa ni Lacson na ang pagtulong sa bansa ay hindi dapat kalahati kundi buo.
Magtipid! Magtipid! Magtipid! Ito ang panawagan ni President Arroyo. Mahigpit ang kanyang utos. Bawal na ang pagbibiyahe ng mga opisyal ng gobyerno Ipinagbabawal na rin ang overtime sa mga opisina ng gobyerno, bawal na ang mga mararangyang parties, bawal na ang pagdaraos ng mga palaro, bawal nang bumili ng mga sasakyan, maliban kung ambulansiya o mga patrol cars, babawasan na ng 10 percent ang ibinabayad sa mga consultant, hindi na magkakaloob ng honoraria o allowances sa mga lecturers, resource persons, coordinators sa mga idinaraos na training programs.
Marami nang bawal ngayon para makatipid. Siya nga pala si President Arroyo, kasama ang kanyang asawa, mga anak, manugang, apo, mga yaya at bayaw ay nasa China ngayon. Bumisita siya kasama ang 16-members ng official delegation. Pag-uusapan ang tungkol sa Spratlys at ang paghahanap ng petroleum sa South China Sea.