Minsan, nangailangan ng isang delivery van ang kanilang negosyo kaya nagbigay ng P5,000 si Ramon kay Ador para sa paunang bayad nito. Inisyu ang resibo ng sasakyan sa pangalan ni Ador. At sa huli, kahit na nagmula pa rin ang balanse sa bulsa ni Ramon, ipinagkatiwala niyang ilagay sa pangalan ni Ador ang sasakyan. Gayunpaman, nagkasundo ang magkapatid na kay Ramon ang pagmamay-ari at posesyon ng delivery van dahil hindi pa kaya ni Ador na mabayaran ang bahagi niya sa presyo nito.
Samantala, nagulat na lamang si Ramon nang magsampa ng kaso si Ador laban sa kanya kung saan binabawi nito ang posesyon ng delivery van dahil nakarehistro naman daw ito sa kanyang pangalan. Tama ba si Ador?
MALI. Kahit na ang isang sasakyan ay nakarehistro sa pangalan ng isang tao na siyang nagbibigay ng matibay na pagpapalagay ng pag-aari, maaari pa rin itong pabulaanan ng isang matibay na ebidensiya.
Sa kasong ito, nagkaroon ng isang implied trust o di-hayagang pagtitiwala sa pagitan ng magkapatid nang maisyu ang sertipiko ng rehistro ng sasakyan sa pangalan ni Ador kahit na ang ibinayad dito ay nagmula kay Ramon. Hindi na maaaring itanggi ni Ador ang tiwalang ibinigay sa kanya ni Ramon dahil isa itong limitasyon sa titulo ng sasakyan. Ang tiwalang ipinagkaloob ni Ramon kay Ador ay mangingibabaw kaysa sa isang legal na dokumento tulad ng rehistro ng sasakyan.
Iginawad ng Korte ang pag-aari at posesyon sa tunay na may-ari, si Ramon (Tan vs Court of Appeals, G.R. No. 106251, November 19, 1993).